top of page
Search
  • BULGAR

76ers, No. 1 na sa East, bida sina Curry at Milton

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 16, 2021




Napatagal ang hintay subalit walang nakapigil sa pagkamit ng Philadelphia 76ers ng numero unong puwesto sa NBA Eastern Conference matapos talunin ang bisitang Orlando Magic, 122-97, kahapon sa Wells Fargo Center. Hindi na nag-aksaya ng panahon ang 76ers at pinaabot ng 32 ang lamang sa third quarter, 94-62, upang maagang tapusin ang gabi at umangat sa 48-23 panalo-talo.

Nanguna sa atake sina Seth Curry na may 20 at Shake Milton na may 15 puntos. Huling naging numero uno ang Philadelphia sa East noong 2000-2001 tampok si Allen Iverson sa kartadang 56-26 at nakapasok sa NBA Finals subalit nabigo sa Los Angeles Lakers nina Shaquille O'Neal at Kobe Bryant.


Isang panalo na lang ang kailangan ng Utah Jazz para makamit ang numero unong kartada sa buong NBA at Western Conference matapos patumbahin ang Oklahoma City Thunder, 109-93, sa likod ng 22 ni Bojan Bogdanovic at 18 puntos ni Jordan Clarkson. Kailangan manalo ang Utah (51-20) sa Lunes kontra sa Sacramento Kings (31-29) upang makaiwas sa tabla sa humahabol na Phoenix Suns (49-21) na siyang may hawak ng tiebreaker sa bisa ng kanilang perpektong tatlong panalo sa Jazz.


Nagulo ang standings ng West matapos gulatin ng kulelat na Houston Rockets ang Los Angeles Clippers, 122-115. Kasabay ng 104-91 tagumpay ng Denver Nuggets sa Detroit Pistons, nagtabla ang Clippers at Nuggets sa 47-24 subalit napunta ang ikatlong puwesto sa Denver at bumaba sa pang-apat ang LA.

Sigurado na ang Washington Wizards sa State Farm Play-In Tournament matapos paluhurin ang Cleveland Cavaliers, 120-105. Triple double si Russell Westbrook na 21 puntos, 12 rebound at 17 at sa kartadang 33-38 ay hindi na sila mahahabol ng ika-11 na Chicago Bulls na 30-40. Bahagyang nakakaiwas na ang Dallas Mavericks sa delikadong Play-In at nanaig sa Toronto Raptors, 107-99, sa likod ng triple double ni Luka Doncic na may 20 puntos.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page