76ers, Nets at Bucks, lider sa East; Phoenix Suns sa West
- BULGAR
- May 6, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio / MC - @Sports | May 06, 2021

Nagpadala ng mensahe ang pumapangatlong Milwaukee Bucks na nais nilang maging numero sa NBA Eastern Conference at tinalo nila sa ikalawang sunod na pagkakataon ang numero dos Brooklyn Nets, 124-118, sa tampok na laro kahapon mula sa Fiserv Forum. Dahil dito, umiikot na ang karera para sa liderato sa pagitan ng Philadelphia 76ers (44-21), Nets (43-23) at Bucks (41-24) na may pito pang nalalabing laban upang makahabol.
Uminit para sa 13 ng kanyang 23 puntos sa fouth quarter si Khris Middleton upang pangunahan ang paglayo ng Milwaukee at suportahan si MVP Giannis Antetokoumpo na may 36 puntos at 12 rebound at Jrue Holiday na may 23 puntos din. Wagi ang Bucks sa Nets noong isang araw. 117-114, sa likod ng 49 ni Antetokounmpo na hinahanap ang kanyang ikatlong sunod na tropeo bilang MVP, isang karangalan na naabot lang ng mga alamat na sina Bill Russell (1961-1963), Wilt Chamberlain (1966-1968) at Larry Bird (1984-1986).
Balik ang Phoenix Suns sa tuktok ng West at buong NBA matapos lalong ibaon sa ilalim ang maagang nagpaalam na Cleveland Cavaliers sa overtime, 134-118, para sa kartadang 47-18 tabla sa walang larong Utah Jazz. Humugot ng lakas ang Suns kay Devin Booker na nagsabog ng 31 puntos at Chris Paul na may 23 puntos at 16 assist.
Kinailangan ng Los Angeles Clippers ang dalawang tres nina Paul George at Reggie Jackson sa huling dalawang minuto upang makalusot sa pumalag na Toronto Raptors, 105-100, upang wakasan ang kanilang tatlong magkasunod na talo at mas mahalaga ay bumalik sa pangatlong puwesto sa West sa kartadang 44-22. Nanguna si George at Marcus Morris Sr. na parehong may tig-22 puntos.
Umangat sa ika-limang puwesto sa West ang Dallas Mavericks at tinalo ang Miami Heat, 127-113, sa likod ng 36 puntos ni Tim Hardaway Jr. galing sa 10 tres. Sumunod si Luka Doncic na may 23 puntos at 12 rebound at pumantay ang Mavs sa defending champion Los Angeles Lakers sa 37-28 subalit lamang ang Dallas sa bisa ng dalawang panalo sa kanilang tatlong laro ngayong torneo.





Comments