Search
  • BULGAR

76ers at Suns, topnotcher uli; Playoffs sa susunod na 2 linggo

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 04, 2021




Papasok sa huling dalawang linggo ng 2020-2021 NBA regular season ay wala pa ring linaw kung anong koponan ang mananaig sa higpit ng karera at bumalik sa tuktok ng mga conference ang Philadelphia 76ers ng East at Phoenix Suns ng West matapos ang hiwalay na tagumpay kahapon. Nakatakdang magwakas ang regular season sa Mayo 16 at susundan agad ng Play-In Tournament at 2021 NBA Playoffs.

Ipinasok ni Ben Simmons ang bola sabay ng huling busina sa overtime upang makalusot ang 76ers sa San Antonio Spurs, 113-111, at umangat sa 43-21. Nanguna si Joel Embiid na may 34 puntos at 12 rebound habang pumukol ng anim na tres si Seth Curry para sa 22 puntos.

Nakatanggap ng tulong ang Philadelphia sa Milwaukee Bucks na hinatak pababa ang dating numero uno Brooklyn Nets, 117-114, sa likod ng 49 puntos ni MVP Giannis Antetokounmpo. Nanatiling pangatlo sa East ang Bucks (40-24) at bumaba ang Nets sa pangalawang puwesto (43-22) na kalahating laro ang pagitan sa 76ers.

Pinigil ng Suns ang huling banta ng Oklahoma City Thunder upang manaig, 123-120, at tumabla sa nagpapahingang Utah Jazz sa 46-18 subalit numero uno ang Phoenix sa bisa ng tatlo nilang tagumpay sa Utah ngayong taon. Nagsabog ng 32 puntos si Devin Booker at tinulungan ng mga double-double nina Chris Paul na 18 puntos at 11 assist at Torrey Craig na 18 puntos at 10 rebound.

Buhay pa rin ang kampanya ng Toronto Raptors at pinisa ang defending champion Los Angeles Lakers, 121-114. Dalawang laro ang kailangan habulin ng ika-11 Raptors (27-38) sa ika-10 Washington Wizards (29-35) para makapasok sa Play-In Tournament. Halimaw ang mga numero nina Pascal Siakam na 39 puntos at 13 rebound at Kyle Lowry na 37 puntos at 11 assist. Wala pa ring panalo ang Lakers sa dalawang laro buhat ng bumalik si LeBron James galing sa matinding pilay sa bukong-bukong.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.