top of page
Search
  • BULGAR

70-M Pinoy, 3 hanggang 5 taon ang hihintayin bago mabakunahan kontra COVID-19

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 27, 2020



PANAY PABIDA NI PACC COMM. GRECO BELGICA—Nang unang ibulgar ni PACC (Presidential Anti-Corruption Commission) Comm. Greco Belgica na may mga kongresista raw na sangkot sa katiwalian, hinamon ito ng mga mambabatas na pangalanan, pero tumanggi ito at kamakalawa ay muling lumantad sa publiko ang PACC commissioner, at sinabing 12 cong. daw ang korup at tulad nang dati, ayaw din niyang tukuyin ang mga buwaya sa Kongreso.


Panay ang pabida sa publiko ni Belgica, pero tiklop naman siyang pangalanan ang mga buwayang kongresista, pwe!


◘◘◘


HIGIT 70-M PINOY, WAIT PA NG 3-5 YEARS BAGO MABAKUNAHAN, NAKUPO!—Sabi ni IATF-COVID-19 Vaccines Czar, ret. Gen. Carlito Galvez, kapag nasa bansa na ang bakuna sa Abril 2021, mag-uumpisa nang magbakuna sa June 2021 at sa higit 107 milyong Pinoy, dahil sa kakapusan ng pondo ay hanggang 30 milyong Pilipino lang daw muna ang babakunahan, at ang higit sa 70 milyong Pinoy ay maghihintay pa ng 3 hanggang 5 taong bago mabakunahan.


Ganu’n? ‘Yung higit 70 milyong Pinoy ay kundi sa 2024, sa 2026 pa mababakunahan. Ang tagal niyan, eh, baka sa tagal, dami na maging abo, ‘susmaryosep!


◘◘◘


P20-M PAMBILI NG BAKUNA, BABAWASAN PA NG KOMISYON NG PITC—Sa Senate hearing, natuklasan na ang inatasan ng IATF (Inter-Agency Task Force) na bumili ng mga bakunang pangontra sa COVID-19 ay ang Philippine International Trading Corporation (PITC), procurement firm na naka-attached sa DTI (Department of Trade and Industry), at ang shocking dito, na sa P20 bilyon pambili ng COVID-19 vaccines, babawasan ito ng 1% hanggang 4% na komisyon ng korporasyong ito.


Pambihira, imbes na sa DOH (Department of Health) ibigay ng Duterte gov’t. ang P20-B pambili ng mga bakuna para hindi na mabawasan ang pera ng bayan, eh, sa PITC na nanghihingi ng komisyon ibinigay ang pambili ng COVID-19 vaccines, pwe!


◘◘◘


HUMAN RIGHTS ADVICATES, DAPAT MAG-INGAT SA DUTERTE GOV’T.—Matapos sabihan ni P-Duterte ang mga pulis at sundalo na huwag matakot pumatay ng mga sangkot sa ilegal na droga, sinabihan din ng Pangulo ang mga awtoridad na dapat ituring din na “kaaway” ang mga human rights advocates dahil palaging nakakontra ang mga ito sa kanyang “war on drugs.”


Nakupo, dapat mag-ingat-ingat na ang mga human rights advocates, baka pati sila ay ma-EJK (extrajudicial killings), ‘katakot!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page