top of page

6 yrs. kulong sa nanay, anak o sinumang sangkot sa pagpapalaglag ng bata sa sinapupunan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 16, 2020
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 16, 2020



Dear Chief Acosta,


Nagkuwento sa akin ang kumare ko tungkol sa kanyang anak na babae na nabuntis ng nobyo nito. Matagal na diumanong nagsasama ang magkasintahan, at pawang mga nasa edad na. Umamin ang nobyo na sa kanya ang dinadalang babae ng anak ng kumare ko. Ang problema ay hindi matanggap ng kumare ko ang pagbubuntis na ito ng kanyang anak. Dahil dito ay balak ng kumare ko na ipalaglag ang dinadalang bata ng kanyang anak dala ng kahihiyan at ng kanyang hindi pagsang-ayon sa kanilang pagsasama. Hindi ba labag sa batas ang pagpapalaglag sakaling ituloy nila? Ano ang sinasabi ng batas tungkol dito? Umaasa kami sa inyong magiging payo. – Elena


Dear Elena,


Mabuting pigilan ninyo ang inyong kumare sa kanyang balak na pagpapalaglag sa dinadala ng kanyang anak dahil isa itong paglabag sa batas, sakaling ituloy nila ito. Maiging maipaalala sa kanila na ang abortion o pagpapalaglag ay itinuturing na kriminal na gawain na may parusang pagkakakulong.


Ayon sa Revised Penal Code of the Philippines:


“Art. 258. Abortion practiced by the woman herself of by her parents. — The penalty of prision correccional in its medium and maximum periods shall be imposed upon a woman who shall practice abortion upon herself or shall consent that any other person should do so.
Any woman who shall commit this offense to conceal her dishonor, shall suffer the penalty of prision correccional in its minimum and medium periods.
If this crime be committed by the parents of the pregnant woman or either of them, and they act with the consent of said woman for the purpose of concealing her dishonor, the offenders shall suffer the penalty of prision correccional in its medium and maximum periods.”

Itinatakda ng nasabing batas na parurusahan ng pagkakakulong ang babaeng magsasagawa ng pagpapalaglag sa kanyang sarili o papayag sa paggawa nito sa kanya ng ibang tao. Sinasabi rin ng nabanggit na batas na kung ang pagpapalaglag ay ginawa ng sinuman sa magulang ng buntis at na may pagpayag niya para itago ang kahihiyang dala ng kanyang pagkakabuntis, maaaring makulong ang nasabing magulang ng mula dalawang (2) taon at apat (4) na buwan at isa (1) hanggang anim (6) na taon.


Mula sa nabanggit na batas, makikita na kriminal na gawain ang pagpapalaglag ng bata sa sinapupunan. Hindi sapat na dahilan ang pagtutol ng kumare ninyo sa pagsasama ng anak niya at nobyo nito para gawin ang pagpapalaglag maging ang nararamdaman niyang kahihiyan sa pagbubuntis ng anak niya. Sakaling ituloy nila ito ay maaaring makasuhan ang inyong kumare at anak niya ayon sa batas na nabanggit.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page