top of page
Search
  • BULGAR

6 na team, paglalabanan ang tropeo sa lalargang Football sa Cavite

ni Anthony Servinio - @Sports | October 25, 2020




Handa na ang lahat para sa pagbubukas ng 2020 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways ngayong araw sa Philippine Football Federation (PFF) National Training Center sa Carmona, Cavite. Anim na koponan ang nakatakdang paglabanan ang tropeo kasabay ang mas mahalagang layunin na magdala ng inspirasyon at mensahe sa lahat na buhay na buhay muli ang Football at palakasan sa bansa.


Ang pangalawang laban sa 4:30 ng hapon ay tiyak aagaw ng pansin dahil salpukan ito ng dalawang nalalabing koponan na kasapi ng PFL buhat noong unang taon nito noong 2017, ang Kaya Iloilo at Stallion Laguna. Asahan na hindi magbabago ang timpla tuwing naghaharap ang dalawang magkaribal na may kasaysayan ng mga pisikal na laro.


Ilalantad ang dalawang bagong tatag na koponan na Maharlika Manila at United City sa ikatlo at huling laban sa 8:00 ng gabi. Gumawa ng maraming ingay ang dalawang koponan sa mga nakaraang buwan lalo na sa social media kaya panahon na para magkaalaman.


Ang Maharlika ay pinagsamang mga dating Philippine Azkals at mga bagong tuklas na manlalaro at binansagan ang sarili bilang “Koponan ng Masa”. Subalit kahit baguhan, binubuo ang United City ng 16 manlalaro buhat sa dating Ceres Negros, ang kampeon sa unang tatlong taon ng PFL kaya agad linuklok sila bilang maagang paborito.


Bubuksan ang torneo sa 9:00 ng umaga sa pagitan ng Azkals Development Team at Mendiola 1991. Ang ADT ay binubuo ang mga pausbong na bituin ng pambansang koponan habang ang Mendiola ay karamihan mga bunga ng varsity ng San Beda University na pinakamatagumpay na paaralan sa NCAA.


Ang mga susunod na petsa ng laban sa PFL ay sa Oktubre 28 at 31 at Nobyembre 3 at 6. Ang koponan na may pinakamaraming puntos pagkatapos ng single round robin o limang laro ay agad tatanghaling kampeon at magiging kinatawan ng Pilipinas sa mas pinalaking 2021 AFC Champions League.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page