50% na tinapyas na allowance maibabalik na sa nat'l athletes
- BULGAR

- Sep 14, 2020
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | September 14, 2020

Maibabalik na ang nawalang 50% allowances ng mga national athletes at coaches kasunod ng pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Bayanihan Act II kung saan nakapaloob ang P180 million na pondo matapos mabawasan ang natatanggap ng mga ito dahil sa paghihigpit ng sinturon ng Philippine Sports Commission (PSC) kaugnay ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Lubos ang pasasalamat ng ahensiya ng pampalakasan dahil tuluyan ng makukuha ng buo ng Pambansang Koponan ang kanilang mga buwanang allowances mula sa Recover as One Act.
“Thank you President Rodrigo Roa Duterte for signing the Bayanihan to Recover as One Act 2, which will restore the full monthly allowances of our national athletes and coaches,” ayon sa social media post ng PSC.
Matatandaang binawasan pansamantala ng PSC ng 50% simula nitong Hunyo at Hulyo ang matatanggap na allowances ng buong national team matapos mabawasan ang pondo nito sa Bayanihan Act I nang kunin ang P596 million mula sa National Sports Development Fund at P773 million sa General Appropriations Act (GAA), bilang pagtulong sa pandemya.
Ayon sa Republic Act No. 6847 o PSC Act, nakatakda itong makatanggap ng 5% gross revenues mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na dapat ilaan sa NSDF, ngunit dahil sa epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa, nawala ang P150 million kada buwan na natatanggap ng PSC sa PAGCOR.
Naging mabigat sa loob ni PSC chairman William “Butch” Ramirez na ipatupad ang naging pagbawas, ngunit kung hindi ito ginawa ay mahihirapan lalo o baka masaid ang pondo ng ahensiya.
Malaki ang naging parte ni Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino, na kumakatawan din bilang representante ng 8th district ng Cavite sa pagtutulak na maipasok ang naturang pondo para sa pambansang koponan sa Kongreso, katulong si House Speaker Alan Peter Cayetano.
Muling mapapasakamay ng mga Platinum athletes, na nagwagi ng gintong medalya sa world championships at Olympic medalists ang mga nawalang allowances gaya nina 2016 Rio Games silver medalist Hidilyn Diaz at 2019 women’s World Featherweight champion Nesthy Petecio ang P45,000.00.
Tatangap pa rin ang Class A athletes na nagsipagwagi ng silver at bronze medal sa world championships, Asian Games gold medalists, Olympians, at chess grandmasters ang P40,000.00, habang mababawi naman ang P30,000.00 ng mga Class B athletes na nagwagi ng silver at bronze sa Asian Games, Asian Cup at Asian Championships medalists at Southeast Asian Games gold medalist mula sa national sports agency.
Bukod sa regular na national athletes ay nabawasan din ang mga 2020 Tokyo Olympic-bounds na sina Ernest Obiena ng men’s Pole Vault, Caloy Yulo ng gymnastics at Eumir Felix Marcial at Irish Magno ng men’s at women’s boxing.
Kasalukuyan pa ring natatanggap nang piling mga national athletes at coaches ang 20% discount cards at booklets sa PSC na naaayon sa RA 10699 kasunod ng paglalabas ng Bureau of Internal Revenue ng Revenue Regulation na 13-2020 na magagamit nila para sa pagbili ng pagkain, gamot, recreation centers, hotels, lodging establishments at sports equipment’s.





Comments