5 taon daw naadik bago natauhan… MC AT LASSY, NATALO NG P10 M SA SUGAL
- BULGAR

- Aug 5, 2025
- 2 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | August 5, 2025
Photo: MC at Lassy - FB MC Muah
Ibinunyag ng magkaibigang komedyanteng sina MC Muah at Lassy Marquez na na-addict sila sa sugal to the point na umabot sa mahigit P10 million ang kanilang naipatalo.
Sa guesting ng dalawa sa vlog ni Toni Gonzaga na Toni Talks (TT), nagsimula raw ang kanilang gambling addiction noong 2011 at tumagal hanggang 2016.
Ang pagkamatay daw ng kani-kanilang magulang ang isa sa mga naging dahilan kung bakit nalulong sila sa sugal dahil nang panahong ‘yun ay nais nilang makalimutan ang sakit.
“Kasi uuwi ako ng after ng comedy bar, saan ako pupunta? Baka hindi ako makatulog. May naghikayat sa akin, sabi niya, ‘Eto, oh, para maaliw ka,’” kuwento ni MC.
Iba raw ang saya kapag nasa casino at naglalaro kahit pa madalas silang umuwing talunan. Dahil na nga rin daw sa kanilang pagkatalo kaya bumabalik-balik sila since gusto nilang makabawi.
“Ah, konti lang ‘to, ah, P50,000, kaya ‘tong bawiin, isang jackpot lang. Ay, P100,000, kaya pa ‘to. Ay, P200,000 na natalo ko. Ay, P300,000 na. Ay, P500,000 na,” pag-alala ni MC.
May pagkakataon pa raw na sa isang gabi ay P800,000 ang natalo sa kanya.
Si Lassy naman daw ay sumama lang sa kanya isang araw at nakatikim ng panalo kaya na-addict na rin daw.
“Minsan, wala kaming tulog. Pumapasok kami sa comedy bar, nagte-taping kami, nagsu-shooting kami, walang tulog. Ganu’n kami kaadik sa pagsusugal nu’n,” tsika ni MC.
Gabi-gabi raw silang nasa casino noong panahong ‘yun at nagtatrabaho na lang sila para may maipangsugal.
Paglilinaw naman ni MC, “Hindi kami proud dito, ha? Kaya namin ikinukuwento para maging lesson at kung sakaling nasa sitwasyon sila (umalis na sila).”
Hanggang sa naubos na nga raw ang savings nila sa bangko dahil sa kasusugal.
Ayon kay Lassy ay dumating sa puntong nangungutang na raw siya para mabayaran ang kanilang bills. Naisanla na rin daw niya ang mga alahas niya at binabayaran na lang ang interest dahil hindi niya matubos.
Maging si Toni ay hinayang na hinayang nang sabihin ng dalawa na more than 10M ang kanilang naipatalo dahil puwede na raw sana itong ibili ng isang bahay.
Nagising daw si Lassy noong makita niyang nakabili ng bahay ang isang kasamahan nila sa comedy bar. Dito niya naisip na gusto rin daw niyang makapagpundar ng house and lot dahil tumatanda na rin siya.
Ayon naman kay MC ay natauhan siya nang maging P3,000 na lang ang laman ng kanyang bank account at inilibre pa siya ng isang baguhang kasamahan sa comedy bar para makakain.
“Du’n ko na-ano na parang ‘Ayokong tumanda nang ganito.’ ‘Yung realization ko ‘yun, parang unti-unti kong tinanggal talaga,” kuwento ni MC.
Nagpunta rin daw siya sa mga simbahan para ipagdasal na tulungan siyang tuluyan nang makapagbagong-buhay at makabangong muli.
At dininig naman daw ni Lord ang kanilang panalangin dahil may natanggap silang offer para sa isang malaking raket. Doon na nagsimula na makabangon silang muli.
“Ngayon lang namin nakuha ‘yung financial freedom na tinatawag. ‘Yung wala kang iniisip. ‘Yung matutulog ka, wala kang iisipin. Ang iisipin mo lang, paano pa magiging matino ang buhay mo,” sey ni MC.






Comments