5 patay sa Amazon Air cargo plane
- BULGAR

- 4 minutes ago
- 2 min read
ni Justine Berganio @Overseas News | September 8, 2026

Photo: Lumampas sa runway ang isang Amazon Air cargo plane habang nagla-landing sa Miami International Airport nitong Linggo. - David Santiago - Associated Press
Patay ang limang katao habang lima ang malubhang nasugatan nang lumampas sa runway ang isang Amazon Air cargo plane habang nagla-landing sa Miami International Airport nitong Linggo.
Galing San Juan, Puerto Rico ang Boeing 767-300 cargo aircraft nang mawalan ng kontrol at lumampas sa runway bago bumagsak alas-2 ng hapon. Ilang sasakyan din sa ground ang tinamaan sa insidente.
Tatlo sa limang sugatan ang nasa kritikal na kondisyon. Ilan sa mga biktima ang naipit sa loob o ilalim ng mga sasakyan at kinailangang iligtas ng mga firefighter.
Mahigit 200 bumbero ang rumesponde at naapula ang apoy, pero may naiulat pang fuel leak sa lugar. Hindi pa tukoy ang sanhi ng crash at iimbestigahan ito ng National Transportation Safety Board (NTSB).
Dahil sa insidente, pansamantalang pinahinto ang lahat ng flight operations sa paliparan. Maraming flight ang nakansela o na-delay, dahilan para humaba ang pila ng mga pasahero na nagpa-reschedule ng kanilang biyahe.
Ang eroplano ay pinatatakbo ng 21 Air, isang charter company na nakabase sa North Carolina. Ayon sa flight-tracking data, nasa 129 mph ang takbo nito nang lumampas sa usable runway.
May thunderstorms at malalakas na bugso ng hangin sa Miami nang mangyari ang crash, ngunit hindi pa ito tinukoy na sanhi ng aksidente.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Amazon sa mga pamilya ng mga nasawi at nangakong makikipagtulungan sa imbestigasyon.
RESIDENTIAL BUILDING GUMUHO, 3 DEDO, 50 PA NA-TRAP
Gumuho ang limang-palapag na residential building na ginawang hostel sa Satya Niketan, Delhi, India nitong Linggo, kung saan tatlo ang patay at ilang estudyante ang pinangangambahang na-trap sa ilalim ng guho.
Tinatayang nasa 50 katao ang nasa loob nang bumagsak ang gusali alas-1:30 ng hapon. Hindi bababa sa walo ang nailigtas habang tatlo pa ang nasa kritikal na kondisyon.
Nasa basement umano ang isinasagawang construction work bago gumuho ang gusali. Ayon sa isang shop owner, may excavation para palawakin ang hostel, ngunit mahina umano ang mga pundasyon at haligi sa ibabang bahagi.
May mga estudyanteng naiulat na tumatawag mula sa ilalim ng rubble habang patuloy ang rescue operation. Inilikas din ang katabing gusali bilang pag-iingat.
Hinahanap naman ng pulisya ang may-ari ng gusali habang iniimbestigahan ang sanhi ng pagbagsak. Nanawagan ang National Students’ Union of India na papanagutin ang sinumang mapatunayang responsable.
Madalas ang building collapse sa Delhi, kung saan mahigit 1,000 insidente ang naitala sa nakalipas na tatlong taon dahil umano sa mahihinang pundasyon, mababang kalidad ng materyales at hindi kwalipikadong construction workers.





Comments