5 klasrum, napinsala… Camarines Norte, niyanig ng 4.8-magnitude na lindol
- BULGAR
- Jan 17, 2023
- 1 min read
ni Lolet Abania | January 17, 2023

Niyanig ng 4.8-magnitude na lindol ang Vinzons, Camarines Norte, madaling-araw ngayong Martes, ayon sa Philippine Institute of Seismology and Volcanology (PHIVOLCS).
Unang ini-report ng PHIVOLCS na nakapagtala ang lindol ng magnitude 5.3 at may lalim na 10 kilometro.
Gayunman, ayon sa ahensiya, ang pagyanig ay nasa layong 12 km south ng Tinaga Island, Camarines Norte. Ito ay tectonic in origin at naitala ng alas-5:57 ng madaling-araw habang may lalim na 1 km.
Naramdaman ang lindol sa Mercedes, Camarines Norte, Intensity V; Guinayangan, at Tagkawayan, Quezon, Intensity IV; Buenavista, at Lopez, Quezon, at Naga City, Camarines Sur, Intensity III; Catanauan, at San Narciso, Quezon, Intensity II.
Nakapag-record din ang PHIVOLCS ng instrumental intensities sa mga sumusunod na lugar:
• Intensity V - Daet, Camarines Norte
• Intensity III - Jose Panganiban, Camarines Norte; City of Iriga, at Ragay, Camarines Sur; San Roque, Northern Samar
• Intensity II - Alabat, Guinayangan, Gumaca, Infanta, Mauban, at Mulanay, Quezon; Pasacao, at Pili, Camarines Sur
• Intensity I - City of Marikina; City of Pasig; Pulilan, Bulacan; Calauag, Quezon; Taytay, Rizal
Ayon pa sa PHIVOLCS, asahan na ang pinsala at mga aftershocks matapos ang lindol.
Samantala, sa isang interview kay Vinzons Mayor Eleanor Segundo ng ABS-CBN Teleradyo, 5 klasrum sa Banocboc Elementary School ang napinsala makaraan ang 4.8-magnitude na lindol na tumama ngayong Martes.
“Five classrooms po ang maraming cracks. Mukhang hindi na po magagamit,” pahayag ni Segundo.
Ani Segundo, wala namang gusali ng gobyerno o pasilidad ang nai-report na napinsala matapos ang lindol habang wala ring naitalang nasawi sa pagyanig.
“Sa rapid assessment po namin so far, ok naman po kami awa ng Diyos,” saad pa ni Segundo.





Comments