5-araw na compassionate leave, para sa mas produktibong empleyado
- BULGAR
- Sep 10, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 10, 2023
Isinusulong ng isang mambabatas ang pagpasa ng panukalang nagbibigay ng 5-araw na “compassionate leave” sa mga empleyado sa pampubliko at pribadong sektor.
Ito ang House Bill 8822, na ayon kay 6th District Isabela Rep. Inno Dy, sakaling mapagtibay bilang batas, ang ‘compassionate leave’ ay ipagkakaloob sa mga empleyado na maaaring gamitin sa mga kritikal na sitwasyon gaya ng matinding pagkakasakit, pagkamatay ng immediate family members o kamag-anak na hanggang sa ikatlong degree ng consanguinity o affinity.
Nakapaloob din sa naturang panukala na ang mga empleyado na nakapagserbisyo na ng hanggang 6 na buwan, ang mabebenepisyuhan ng 5-araw na compassionate leave, na hindi maaaring mai-convert sa cash.
Sinabi ni Dy na ang compassionate leave ay ibibigay bilang karagdagan sa mga empleyado sa kanilang current leave benefits sa ilalim ng mga umiiral na batas at regulasyon.
Sa ngayon, ang panukala ay sumasailalim na sa deliberasyon sa House Committee on Labor and Employment.
Malaking tulong ang nasabing panukala sa mga manggagawa dahil sa magpapatibay ito sa kanilang relasyon at ugnayan sa kanilang mga pamilya.
Sa pamamagitan nito, mababawasan ang pasanin ng mga empleyado na nahaharap na sa mga krisis kasama ang kanilang mga pamilya.
Sakaling maging batas, hindi na aabot na ma-penalize at mabawasan ang kanilang suweldo dahil sa pag-absent sa trabaho sa mga araw na iyon para lamang sa pagdalo sa mga mahahalagang usapin ng pamilya.
Hiling lang natin sa kinauukulan na madaliin na ang pagpasa nito upang maging mas epektibo at produktibo ang bawat empleyado at tunay na makatulong sa mga kababayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments