top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

4s kontra-dengue, simulan na

BULGAR
Apr 22, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 22, 2022


Nakakaalarma ang pinakahuling ulat hinggil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue at maging ang mga nasasawi dahil dito.


Medyo malaki ang naging epekto ng nagdaang Mahal na Araw para sa isinasagawang pagtutok ng Department of Health (DOH) hinggil sa kasong ito dahil sa halos sarado ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan maliban sa mga pagamutan.


Nagdeklara na kasi ng outbreak ang Region 9 sa pamamagitan ng kanilang Center for Health Development ng Zamboanga at ang kanilang Regional Epidemiology Surveillance Unit dahil nga sa pagtaas ng kaso ng dengue.


Base sa ulat na inilabas ng disaster reduction council ng Zamboanga City ay umabot na sa 893 kaso ng dengue ang kanilang naitala na mayroong 13 nasawi simula lamang noong Enero hanggang sa unang linggo ng buwang kasalukuyan.


Dahil dito ay inatasan ng lokal na pamahalaan ang muling pagsasabuhay ng dengue preparedness plan at muling nagbuo ng taskforce na base sa kanilang 2019 dengue outbreak response – kung saan ito ang taon na ang buong bansa ay nagdeklara ng epidemya laban sa dengue.


Naobserbahan mismo ng DOH ang pagtaas ng kaso ng dengue sa mga rehiyon ng Cordillera Administrative Region (CAR) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at ilang lugar pa sa Mindanao.


Unang nakitaan ng pagtaas ng kaso ng dengue ang Zamboanga Peninsula, Cagayan Valley, Western Visayas at Davao Region na ngayon ay palawak na nang palawak ang mga lugar na kumpirmadong may mga kaso na ng dengue.


Dapat hangga’t maaga pa ay mapigilan na ang pagkalat at pagtaas pa ng kaso ng dengue at hindi naman nagkukulang ang DOH hinggil dito ngunit dapat na kumilos din ang ating mga kababayan dahil sa maruming kapaligiran lang naman nagmumula ang sakit na ito.


Naiintindihan natin na ang madalas na pag-ulan ay isa sa malaking sanhi ng pagkakaipon-ipon ng tubig sa mga nakakalat na sirang planggana, nakatiwangwang na garapon at iba pang puwedeng pag-ipunan ng tubig at sa loob lamang ng ilang araw ay puwede nang pag-itlogan ng lamok.


Hindi simple ang sakit na dengue dahil marami na nga ang namamatay pero napakasimple lang ng mga paraan para makaiwas o kung paano mahihinto ang disease vector na ito na Aedes aegypti mosquito na kahit sa kapirasong tansan na may nakatenggang tubig ay maaaring magmula.


Maging mapagmatyag at tingnang mabuti ang kapaligiran para matiyak na walang nakapondong tubig sa mga hindi naman kailangang lalagyan para walang pamugaran ang mga lamok at alam na alam na ito ng ating mga kababayan.


Nakakapangamba kasi na may banta na naman ang pagsirit ng COVID-19 na huwag naman sanang mangyari at karagdagang problema itong pagsirit ng dengue kung hindi agad maaapula ang paglaganap.


Sino ba naman ang hindi mag-aalala na sa kasalukuyan ay naghahanda na ng fast lane at bukod na mga silid sa mga pagamutan para sa mga mahahawa ng dengue para agad mabigyan ng lunas.


Hindi masama ang paghahanda pero indikasyon ito na matindi ang sitwasyon kaya nga pati ang pag-angkat ng insecticide, treated curtains at screen na ginagamit sa mga health facilities sa naturang rehiyon ay kapansin-pansing bahagi ng paghahanda.


May panuntunang inilabas ang DOH para hindi na lumaganap ang dengue—ito ‘yung tinatawag nilang 4S against Dengue - search and destroy mosquito-breeding sites; self-protection measures; seek early consultation of symptoms; and support spraying or fogging to prevent further outbreaks.


Hindi ko naman lubusang sinisisi ang ating mga kababayan kung bakit umabot pa ng 893 ang kaso ng dengue at 13 pa sa mga ito ang namatay, pero kung hindi lang sana natin binalewala ang napakasimpleng pag-iingat at kalinisan sa kapaligiran ay hindi na ito lumala.


Malaki rin ang partisipasyon ng Barangay sa pagsirit ng dengue dahil kung likas na may katamaran at kapabayaan sa kapaligiran ang ilan nating mga kababayan ay dapat sila ang nangunguna sa paglilinis o pagsita man lamang.


Maraming barangay sa bansa ang nagpapatupad ng ‘TAPAT MO, LINIS MO’ at kung lahat lamang ay tutulad sa malinis at ligtas na kapaligiran ay hindi na tayo hahantong sa ganitong sitwasyon.


Karaniwan sa mga nahahawa sa dengue ay ‘yung mga kababayan nating nakatira sa mga kabundukan at mga informal settler kung saan damang-dama ang kapabayaan sa kapaligiran kaya dapat lang na bantayan ng mga tauhan ng Barangay.


Dagdag-sipag lang at malinis na kapaligiran, tapos ang dengue!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page