4Ps beneficiaries, ‘di safe sa scammer!

ni Ryan Sison - @Boses | November 20, 2020
Hindi lang mga negosyante ang biktima ng malawakang panloloko sa Korondal, dahil maging ang ordinaryong mamamayan sa naturang lungsod ay nadale rin.
Ayon sa Korondal PNP, nabiktima ang indigenous people na benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps kung saan nakuha ng mga suspek ang kanilang ATM cards.
Kaya naman, umaaksiyon na ang kapulisan at kasalukuyang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon dahil sa nanganap na panloloko.
Ayon sa kapulisan, inaalam ang mga posibleng sangkot tulad ng ilang mga opisyal ng gobyerno, abugado, pulis o sinumang opisyal at kasabay nito ang panawagan sa mga biktimang dumulog sa kanilang tanggapan at magsampa ng kaso upang masugpo ang nasabing scam.
Sa totoo lang, nakakadismaya dahil kung sino pa ang higit na nangangailangan, sila pa itong nabibiktima. ‘Ika nga, pera na, naging bato pa.
Napakalaking perhuwisyo ng mga scammer na ito dahilt pati ordinaryong mamamayan, hindi pinalampas. Tipong umaasa na nga lang sa tulong ng gobyerno, napupunta pa sa inyo ang kanilang benepisyo. Tsk!
Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, aksiyunan agad ang isyu na ito at panagutin ang dapat managot. Bulukin sa kulungan ang mga scammer na ito para madala at hindi tularan.
Gayundin, pag-aralan kung ano ang puwedeng gawin para hindi na ito maulit.
Ngayong napakarami nang problema ng bansa, walang lugar ang mga manloloko at mapanlamang sa kapwa.
Kayong mga scammer d’yan, maghanapbuhay kayo nang patas at ‘wag pagdiskitahan ang mga nananahimik na negosyante at ordinaryong mamamayan. May kalalagyan din kayo!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments