top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

48% ng mga ospital, walang bagong COVID-19 patients

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 13, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 13, 2021



Ramdam na ramdam na ang mga pagbabago sa sitwasyon sa mga pagamutan, halos dalawang taon nang tumama ang COVID-19 pandemic.


Mula sa umaapaw na COVID ward at emergency rooms, sa ngayon ay nasa 598 ospital o katumbas ng 48.5% ng mga pagamutan sa bansa ang walang bagong pasyente ng COVID-19.


Kabilang sa mga may zero COVID-19 admission ang 49 sa 65 na pagamutan sa SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Saranggani, General Santos), na sinundan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na mayroong 73.1% o 19 sa kabuang 26 pagamutan at sa Northern Mindanao na mayroong 46 pagamutan sa kabuuang 70 pagamutan.


Kasabay nito, itinuturing na rin ng DOH na nasa minimal risk classification ang National Capital Region (NCR), habang patuloy naman ang panawagan ng ahensiya sa mamamayan na ugaliin pa ring sumunod sa health protocols kahit bumababa na ang COVID-19 cases.


Sa totoo lang, good news ito para sa ating health workers dahil kahit papaano, masasabing nakakahinga na sila, gayundin ang mga ospital. Isa pa, mas matututukan na ang non-COVID cases.


At siyempre, dahil ‘yan sa pinagsama-samang pagsisikap ng pamahalaan, medical frontliners at mamamayan, kaya naman hangad nating magtuluy-tuloy pa ang ganitong sitwasyon hanggang sa tuluyang mawala ang pandemya.


Ngunit sa ngayon, hiling natin sa lahat na ipagpatuloy ang mga nakasanayang pag-iingat laban sa COVID-19. Tandaan, hindi katwiran ang pagiging bakunado at mababang bilang ng hawahan para makampante tayo.


‘Ika nga, bagama’t bumubuti na ang sitwasyon, nariyan pa rin ang virus, kaya hindi tayo dapat makalimot sa mga hakbang upang maiwasan ang hawahan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page