top of page

45 points ni Curry, pasok sa 76 Greatest

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 23, 2021
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 23, 2021





Ipinagdiwang ni Stephen Curry ang pagpasok sa prestihiyosong listahan ng 50 Greatest Player ng NBA kaya nagpaulan ng 45 puntos at 10 rebound upang maging susi sa 115-113 panalo ng Golden State Warriors sa bisitang Los Angeles Clippers sa Chase Center.


Tinuldukan ni Curry ang laro ng dalawang free throw na may limang segundo sa orasan para sa 115-112 na iskor.


Perpekto ang shooting ni Curry sa first quarter kung saan nagtala agad siya ng 25 puntos para sa 44-27 na lamang subalit humabol ang Clippers. Sumunod si Andrew Wiggins na may 17 puntos at Damion Lee na may 11 puntos.


Tinambakan ng Miami Heat ang World Champion Milwaukee Bucks, 137-95, sa FTX Arena.


Pumukol ng apat na tres si Tyler Herro para sa 27 puntos at tinulungan nina Jimmy Butler na may 21 puntos at Bam Adebayo na may 20 puntos.


Buo na ang NBA 75th Anniversary Team bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-75 taon ng liga.


Dahil sa tabla sa botohan, naglabas ng 76 na pangalan imbes sa naunang plano na 75 at tiyak na lilikha ng matagal na debate ang listahan sa mga tagahanga.


Lahat ng naging bahagi ng NBA 50 Greatest na inilabas noong 1996 ay sasamahan ang karagdagang 26 na bagong manlalaro sa pangunguna ng namayapang si Kobe Bryant at kanyang mga kapwa nagwagi ng Most Valuable Player na sina LeBron James, Stephen Curry, Giannis Antetokounmpo, Kevin Durant, James Harden at Russell Westbrook na lahat ay aktibo pa rin at ang mga retiradong sina Dirk Nowitzki, Steve Nash, Tim Duncan, Allen Iverson, Kevin Garnett at Bob McAdoo na natatanging MVP na hindi isinama noon sa 50 Greatest. Ang iba pang bago sa listahan ay sina Carmelo Anthony, Anthony Davis, Kawhi Leonard, Damian Lillard at Chris Paul at mga retiradong sina Ray Allen, Jason Kidd, Reggie Miller, Gary Payton, Paul Pierce, Dennis Rodman, Dwyane Wade at Dominique Wilkins.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page