top of page

4 na team, umaasang ma-swak sa NBL semis

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 2, 2024
  • 2 min read

Updated: Feb 3, 2024

ni Anthony Servinio @Sports | February 2, 2024



ree

Mga laro ngayong Biyernes – Laguna Sports Complex


4 p.m. Makati vs. Cam Sur

6 p.m. Muntinlupa vs. Santa Rosa 


Pag-asa sa semifinals ang nakalatag ngayon sa mahalagang laro ng 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup ngayong Biyernes sa Laguna Sports Complex sa Santa Cruz.  Nakatutok ang pansin sa host Eridanus Santa Rosa na ipagtatanggol ang lalawigan sa bisitang Muntinlupa Chiefs ng 6 p.m. matapos buksan ang aksiyon ng Circus Music Festival Makati at Cam Sur Express sa 4 p.m. 


Natikman ng Eridanus (4-1) ang kanilang unang pagkabigo kontra Express noong nakaraang linggo, 90-97, matapos magwagi sa unang 4 na laro.  Tiyak na nagising ang koponan na biglang bumaba galing sa solong liderato ng Grupo B at sasandal sa magandang ilalaro nina Alex Junsay, John Lester Maurillo at Shawn Algire. 


Kahit nasa gitna ng anim na sunod na talo ang Chiefs (1-6) ay nanatili pa rin silang delikadong kalaban at isang panalo sa nalalabing tatlong laro ang kailangan upang makapasok sa semifinals galing Grupo A. Importante na sabay-sabay gumana sina Buboy Barnedo, Francis Abarcar, John Mark Ondevilla at playing coach Lloyd Cabeguin. 


Ang Cam Sur (5-2) ang pinakamainit na koponan ng liga ngayon na may apat na sunod na panalo.  Malaking bagay ang kontribusyon nina Fredson Hermonio, Verman Magpantay at Jayson Orada at kailangan nilang walisin ang huling dalawang laro at lumapit sa nagpapahingang defending champion Taguig Generals (7-1) at Santa Rosa sa Grupo B. 


Hinahanap pa rin ng Makati (0-8) ang unang panalo subalit alam nila na maaari pa silang makapasok sa semifinals galing Grupo A kung wawalisin ang nalalabing dalawang laro at hindi na mananalo ang Chiefs. Kahit hindi nila hawak ang buong kapalaran, tuloy ang laban para kay PJ Intia, Jexter Tolentino, Ian Rusiana at kapitan Noah Lugo. 


 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page