4 na laro sa NBL at WNBL, lalarga
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 25, 2021

Solong liderato ang layunin ng mga nagkumpulang koponan sa tuktok ng Chooks To Go National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup 2021 ngayong araw ng Sabado sa Bren Z. Guiao Convention Center sa City of San Fernando, Pampanga. Itataya ng La Union PAOwer, Muntinlupa Water Warriors, DF Bulacan Republicans at punong abalang Pampanga Delta ang kanilang malinis na kartada sa pinakabagong pro league ng bansa.
Maghaharap ang Republicans at Delta sa tampok na laro ng 6 p.m. sa pagitan ng dalawang koponan na parehong may 2-0 panalo-talo. Bago noon, magtutuos ang PAOwer at Water Warriors upang mabasag ang tabla sa 1-0. Kagagaling lang ng Pampanga sa dalawang malaking panalo noong nakaraang linggo sa Tamaraws, 130-83, at Laguna Pistons, 116-73.
Kukuha ng lakas ang Bulacan kay Dominick Fajardo, Ernest Reyes, Christian Necio, Joseph Celso at Kenneth Reyes na lahat maasahan na mag-ambag ng 10 o higit pang puntos. Hindi nalalayo ang tindi ng opensa ng Pampanga sa pangunguna nina Levi Hernandez, Florencio Serrano, Rhanzelle Yong at Clifton Gania.
Noong Hulyo din ang nag-iisang laro ng PAOwer na 87-57 tambak sa Pistons. Nagpasikat ng todo ang Water Warriors noong nakaraang Sabado sa kanilang 55 puntos na pagdurog sa Spartan, 107-52.
Sa unang laro, bubuksan ng Taguig Generals ang 2021 kampanya laban sa walang panalong Spartan simula 1:15 ng hapon. Ilan sa mga aabangan sa Generals ay mga gwardiyang sina Eric James Acuna at Jessmar Villahermosa, mga forward Francisco Tancioco at Helino Francisco at sentro JayR Yasa sa gabay ni Coach Bing Victoria.
Samantala, magpapakilala din ang Taguig Lady Generals sa Pia Cayetano Women’s National Basketball League (WNBL) 2021 kontra sa walang panalong Pacific Water Queens sa 11:15 ng umaga.





Comments