top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

4 na bidang koponan salpukan sa NBL Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 21, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 21, 2023




Apat na koponan na galing sa panalo ang magsasalpukan ngayong Biyernes sa pagpapatuloy ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup sa Fuerte Sports Complex sa Pili, Camarines Sur. Ipagtatanggol ng host CamSur Express ang tahanan laban sa bisitang DF Bulacan Stars sa tampok na laro ng 7 p.m.


Nagtala ang Express ng unang tagumpay sa torneo kontra Muntinlupa, 101-100, noong Hulyo 9. Bumida ang baguhan at Best Player Neil Justine dela Cruz at beteranong Fredson Hermonio at kailangan nilang ulitin ang mahusay na laro kasabay ng pagbabalik ng kapwa-guwardiyang si Verman Magpantay galing sa lagnat.


Ganado ang Bulacan matapos wakasan ang kanilang tatlong magkasunod na talo at nanaig sa KBA Luid Kapampangan, 95-74, noong Hulyo 14. Aabangan kung paano lalabanan ng mga guwardiya ng Stars Christian Necio at Exeqiel Biteng ang kanilang mga katapat sa CamSur.


Sa unang laro, sisikapin ng Taguig Generals na manatiling perpekto sa hamon ng Santa Rosa Lions sa 5 p.m. Itinala ng Generals ang pangatlong tagumpay noong Hulyo 14 din laban sa bisitang Kapampangan sa overtime, 93-90, sa likod ng pamamayani ni Best Player Dan Anthony Natividad na ipinasok ang huling 5 puntos ng laro. Mainit din ang mga Lion mula sa dalawang magkasunod na pagwagi. Malaking bagay ang husay nina kapitan Jeff Disquitado, Gio Calacalsada at John Lester Maurillo.


Samantala, naging matagumpay ang pagdalaw ngayong linggo sa Tsina nina NBL-Pilipinas EVP Rhose Montreal at Commissioner Edward Aquino upang makipagpulong sa mga opisyal ng Chinese Basketball Association (CBA). Napag-usapan ang pagkakaroon ng mga laro sa pagitan ng NBL-Pilipinas at CBA.


Bilang unang hakbang, magpapadala ng piling kabataan si CBA President at alamat Yao Ming upang manood ng FIBA World Cup sa Agosto. Haharapin nila ang mga koponan ng NBL Youth.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page