340 inmates, graduate na ng elementary at junior high school
ni Lolet Abania | October 3, 2022

Umabot sa mahigit 300 persons deprived of liberty (PDL) ang nagtapos ng high school na ginanap sa isang graduation ceremony sa Medium Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa, ngayong Lunes.
Sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS), nasa 340 inmates ang nabigyan ng pagkakataon na makapagtapos ng kanilang pag-aaral sa elementary at junior high school sa kabila na sila ay nakakulong.
Ayon sa technical chief ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Supt. Maria Fe Marquez, hindi sapilitan ang pagpasok sa ALS, subalit mayroong insentibo ang mga lalahok na PDL at posibleng mapaigsi rin ang kanilang sentensiya.
“Through GCTA o good conduct time allowance... they are entitled to additional 15 days per month ang mawawala sa kanilang sentensiya so, umiikli ang kanilang prison term,” pahayag ni Marquez.
Isa sa mga nagtapos ng junior high school ay ang 69-anyos na lalaking nakulong dahil sa kasong homicide, at nasentensiyahan ng 17 taon na pagkabilanggo.
Kuwento ng inmate na nasa ika-7 taon na sa preso, nais niyang mag-aral subalit dahil sa kahirapan, at namatay kaagad ang kanyang mga magulang, hindi na niya nagawa pang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Kaya naman labis ang pasalamat niya na natupad ang pangarap niya na maka-graduate ng JHS.





Comments