top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

321 patay sa yosi araw-araw

BULGAR
Jul 8, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 8, 2022


Pumapalo sa 321 katao ang binabawian ng buhay araw-araw dahil sa paninigarilyo at iba pang tobacco-related diseases, ayon mismo sa pinakahuling datos na inilabas ng Lung Center of the Philippines.


Sa buong mundo ang namamatay sa tabako ay mahigit sa 8 milyong katao kada taon, ayon naman sa datos na inilabas ng World Health Organization (WHO) at mahigit sa 7 milyon sa mga ito ay direktang naninigarilyo at nasa 1.2 milyon sa mga ito ay biktima lamang ng second-hand smoke.


Maganda ang ginawang pagdi-display ng LCP sa kanilang lobby ng may 321 pares ng tsinelas at sapatos na nagmula sa mga nasawi dahil sa paninigarilyo at bukas ito na makita ng publiko upang ipaalala ang nakamamatay na epekto ng paninigarilyo.


Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, ang paminsan-minsan o labis na paninigarilyo ay pareho lamang na nagbibigay ng mataas na tsansa ng pagkamatay kabilang na ang iba pang hindi naman naninigarilyo, ngunit lantad sa usok na ibinubuga ng ibang tao.


Apektado ng paninigarilyo ang respiratory system, circulatory system, reproductive system, balat, mata at tumataas ang tsansa na magkaroon ng iba’t ibang klase ng cancer.


Unang-una na ang lung damage—dahil ang paghithit umano ng sigarilyo ay hindi lamang nikotina mula sa tabako ang nalalanghap dahil kasabay nito ang kung anu-anong klase ng kemikal na sadyang inilalagay ng mga gumagawa ng sigarilyo.


Ang paninigarilyo na sanhi rin ng pagkakaroon ng emphysema, chronic bronchitis at asthma attack ay napatunayang sanhi rin ng 80% ng iba’t ibang klase ng cancer na nagresulta sa maraming pagkasawi.


Heart disease—sinisira rin umano ng paninigarilyo ang heart, blood vessels at blood cells dahil nililimitahan nito ang maayos na daloy ng dugo hanggang sa magresulta na sa pagkabara.


Fertility problems—Matindi rin ang epekto ng paninigarilyo sa reproductive system ng mga babae at malaking dahilan ito para mahirapan na mabuntis dahil sa sinisira nito ang hormone level at sa lalaki ay naaapektuhan naman ang kalidad ng semilya.


Kandidato rin na magkaroon ng type 2 diabetes ang isang naninigarilyo dahil 30 hanggang 40 porsyento ang antas ng nagkaroon ng Type 2 diabetes kumpara sa mga hindi naninigarilyo at higit sa lahat ay mas mahirap pangalagaan ang kanilang kondisyon.


Humihina rin ang immune system ng naninigarilyo at nagkakaroon ng vision problem dahil mas madali silang makaranas ng cataract, dry eyes, glaucoma at diabetic retinopathy.


Karaniwan din ang problema sa oral hygiene ng naninigarilyo dahil sa madalas ay namamaga o lumalambot ang gilagid, nagdurugo kapag nagsisipilyo, mabilis masira ang ngipin at nagiging sensitibo ang ngipin.


Humihina rin ang kakayahan ng tao sa pang-amoy, panlasa at pumapangit din ang hitsura ng ngipin dahi nagkakaroon ito ng kulay dilaw o brown na mantsa depende sa lakas manigarilyo.


Mas mabilis ding makalbo ang taong gumon sa sigarilyo kaysa hindi, dahil nagdudulot din ito ng pagkatuyo ng balat ay nagreresulta sa mabilis na pagtanda kahit gumamit pa ng kung anu-anong moisturizer at maging ang labi ay nasisira.


Higit sa lahat ay mitsa ang paninigarilyo para magkaroon ng mouth cancer, laryngeal cancer, throat cancer, esophageal cancer, kidney cancer, colon cancer, acute myeloid leukemia at marami pang ibang klase ng cancer.


Ang nikotina ay addictive drug na nagdudulot ng withdrawal symptoms kung ang naninigarilyo ay magtangka ng itong itigil kaya nararanasan ang mga sintomas, tulad ng pagkagana sa pagkain, iritable at hindi mapigilang paghahanap ng sigarilyo.


Dapat nating alalahanin na ang lahat ng tobacco products ay sadyang dinisenyo para mahirapan ang naninigarilyo na itigil na ito bilang bahagi ng kanilang negosyo na hindi na basta maitigil dahil sa dami ng mga tumatangkilik simula pa noong unang panahon.


Kaugnay nito ay nagsagawa din ang LCP ng mga pagpupulong sa pakikipagtulungan ng Philippine College of Chest Physician hinggil naman sa matindi ring epekto ng electronic nicotine devices o mas kilala sa tawag na e-cigarettes o vapes.


Marketing strategy ng mga nagbebenta ng vapes na ito na malaking hakbang umano ang paglipat sa vape para makaiwas na sa paninigarilyo ngunit pareho din lang ang masamang epekto nito.


May mga nagsasabing dapat sampahan ng kaso ang mga taong iresponsableng buga nang buga ng kanilang usok mula sa kanilang sigarilyo o vape dahil mataas na rin ang kaso ng namamatay sa second-hand smoke.


Sa ngayon ay wala pang batas hinggil dito ngunit hayaan ninyong pag-aralan natin ang mga bagay na ito kung paano magiging responsable ang mga walang pakialam na buga lang nang buga ng kanilang usok at idinadamay pa ang mga ingat na ingat nating kababayan na ayaw makalanghap nito.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page