3 steps para mabuking ang pekeng pera
- BULGAR
- Dec 1, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 1, 2023
Nagbabala ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na mag-ingat sa pekeng pera dahil naglipana na naman sa mga pamilihan ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Ayon sa PNP, maging ang pagtaas ng krimen tulad ng snatching, holdup, budol-budol, online scam at iba pang klase ng panggagantso ay karaniwang tumataas ang insidente sa tuwing papalapit na ang Pasko at Bagong Taon.
Ngunit, higit na dapat umanong maging alerto sa pagtanggap ng pera dahil mas madali umanong manlito ng kapwa gamit ang pekeng pera lalo pa kung sa mga siksikang pamilihan o sa mga tindahang maraming namimili isasagawa ang krimen.
Dahil dito, naglabas ng panuntunan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kung paano ang tamang paraan para madetermina kung peke ang pera o hindi at ito ay ang three-step inspection method na tinawag nilang FEEL, LOOK and TILT.
Kailangang kapain umano at damhing mabuti ang hawak na perang papel para mapatunayang tunay at dapat ay haguring mabuti ang security paper na kakaiba kumpara sa ibang papel dahil gawa ito sa abaca fiber at medyo eksaherado ang pagkakinis.
Dahil sa embossed prints ng ating pera ay agad na mararamdaman sa pagkapa o paghagod sa mga letra na bahagyang nakaangat at meron ding tactile marks — ito ang dalawang pares ng guhit sa kabilang bahagi ng pera upang kahit ang bulag ay matiyak kung peke ang pera o hindi.
Titigan ang watermarks -- dapat makita ang aparisyon ng mukha ng portrait na nasa pera, kapag inilagay ang pera sa ibabaw ng ilaw ay may makikitang imahe sa kanang bahagi ng mukha.
Mayroon ding security fiber na mga linyang parang buhok sa nipis na makikita sa likod at harap ng pera na kulay pula at asul at higit sa lahat ay ang asymmetric serial number na mula sa kaliwa ay may isa o dalawang letra sa una at palaki nang palaki ang numero patungong kanan na anim o pitong numero lamang.
Ang see-through mark ay makikita naman sa ibaba ng kanang bahagi ng pera kung saan matatagpuan ang pinutol na Babaylan script at kapag itinapat ito sa ilaw ay makikita nang buo ang naputol na bahagi at ang ibig sabihin ng script ay PILIPINO.
Ipagpatuloy ang pagtingin sa perang papel sa pamamagitan ng pagtagilid upang makita ang ibang anggulo at dito ay mapapansin natin ang napakaraming pagkakaiba sa pekeng pera.
May security thread din para sa mas maliit na halaga tulad ng P20 at P50, ito ‘yung vertical line na tumawid sa lapad ng pera at makikita ang linyang ito kapag sinilip na nakakontra sa liwanag.
Para sa mas malaking halaga tulad ng P100, P200, P500, at P1,000 ang linya ay lumilitaw na may metallic dashes at naaaninag ang halaga ng pera at text na ‘BSP’.
Ang itaas na kanang bahagi ng pera ay makikita rin ang maliit na bersyon ng portrait at kapag sinipat naman sa 45-degree angle ay maaaninag naman ang halaga sa ibabaw ng naturang portrait.
Ang kulay ng lumang P1,000 ay nagbabago mula berde patungong asul kung sisipatin sa magkakaibang anggulo at may imahe pa ng kabibe sa South Sea pearl at may color-shifting effect sa kaliwang bahagi ng perang papel.
Narito naman ang security features ng bagong P1,000 polymer banknote na mas mabuting hangga’t maaga ay matutunan natin ang orihinal bagama’t ang bagong papel na perang ito ay may kahirapan talagang gayahin.
Dapat na pakiramdaman ang smooth surface na tuluy-tuloy ang hipo sa kabuuan ng mismong pera hanggang sa bahagi ng transparent area; may makikitang maliliit na transparent clear window na hugis sampaguita at sa loob nito ay makakapa ang embossed text na ‘BSP’.
May dalawang identical serial numbers na binubuo ng dalawang prefix letters at 7 asymmetric digits o lumalaki ang sukat ng numero; mayroon ding limang embossed dots kahanay ng REPUBLIKA NG Pilipnas na sadyang inilagay upang madaling makapa ng mga matatanda at hindi nakakakita.
Ang Philippine Eagle portraits, REPUBLIKA NG PILIPINAS, signature at SANLIBONG PISO na nakasulat sa harap; maging ang Philippine map, South Sea Pearl, Tubbataha Reefs Natural Park, T’nalak weave design at pagkakasulat ng halaga sa likod na bahagi ay nakaangat at maaligasgas salatin.
Mayroon ding 5-mm vertical band sa magkabilang bahagi ng bagong pera at titigang mabuti ang hologram at makikita ang isa pang vertical clear window na may multiple security features kabilang na ang dynamic waves, sagisag ng Pilipinas at mirrored denomination, BSP logo at 3D denomination na may epekto ng striking rainbow.
Higit sa lahat damang-dama kung kakapain ang transparent embossed outline ng stylized flying eagle na ilan lang sa mga pangunahing dapat tandaan at kung wala ang mga binanggit nating pagkakaiba ay tiyak na peke ang hawak ninyong akala ay bagong P1,000.
Sana, nakatulong ang mga tip na ito kung paano madedetermina kung peke o hindi ang pera para hindi tayo mabiktima ng mga manloloko.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com








Comments