3 malulupet na kabayo sa PCSO karera tipsters
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |December 18, 2022
Tatlong mahuhusay na kabayo ang napipisil ng karera tipsters sa magaganap na 2022 PHILRACOM-PCSO Presidential Gold Cup na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Magkakaiba ang pang primerang kabayo ng mga karera tipsters matapos piliin sina Boss Emong, Super Swerte at Sky Shot sa karerang may distansiyang 2,000 meter race.
Ayon sa mga karerista, magandang panoorin ang labanan nina Sky Shot, Boss Emong at Super Swerte pero posible rin silang masilat ng ibang kalahok dahil sa laki ng premyong nakataya.
May garantisadong premyo na P10-M na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta, ang ibang kalahok ay sina Silver Cup third-placer at pambato ni Melaine Habla Big Lagoon, Heneral Kalentong, War Cannon, Spandau Ballet, Ambisioso, Real Quiet at Victorious Colt.
Sasakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Jessie B. Guce si Super Swerte, si star jockey naman ang kay Boss Emong habang ang rerenda kay Sky Shot ay si class A rider Mark Angelo Alvarez.
Nakalaan ang P6-M premyo para sa mananalong kabayo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon
Masusungkit ng second placer ang P2-M, mapupunta sa pangatlong kabayong tatawid sa finish line ang P1-M habang tig-P500,000, P300,000 at P200,000 ang fourth, fifth at sixth ayon sa pagkakahilera.
Mag-uuwi rin ng P500,000 ang breeder ng winning horse habang tig-P300,000 at P200,000 ang second at third.
Samantala, may 13 races ang pakakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) ngayong araw ng Linggo kaya tiyak na masaya ang mga karerista sa kanilang pananaya.





Comments