3,939 na nasa edad 12-17, tinamaan ng COVID-19 – DOH
ni Lolet Abania | November 4, 2022

Nakapag-record ang Department of Health (DOH) ng 3,939 COVID-19 cases na mga indibidwal na edad 12 hanggang 17 mula Setyembre 1 hanggang Nobyembre 3.
Sa press briefing ngayong Biyernes, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na wala namang severe infections at nasawi na naiulat mula sa nasabing age group.
“But as I’ve said, wala naman naitala na nagkaroon ng severe infection or wala naman naitala na namatay na estudyante because of this,” pahayag ni Vergeire.
Ayon kay Vergeire, ang mga nai-report na infections ay hindi naman aniya, hadlang para ipagpatuloy ang implementasyon ng full face-to-face classes.
“Yes, there had been this number of infections among students during this time that we started gradually… the schools and having face-to-face, pero sa tingin ko hindi dapat ‘yan maging balakid para patuloy na magkaroon ng full implementation ng face-to-face classes,” saad ni opisyal.
“Dahil sa tingin ko, unang-una, ‘yung benepisyo na binibigay ng face-to-face classes would outweigh the number of mild infections that have been experienced by our students during these past months,” sabi ni Vergeire.
Nag-isyu naman ang DOH ng clarification o paglilinaw matapos na unang mai-report na ang nasabing mga kaso ay sa mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa buong bansa.
“We would like to clarify that the 3,939 cases mentioned in the media forum earlier are not specific to students, but rather for individuals aged 12-17 y/o recorded between September 01-Nov. 3,” paliwanag ng DOH.
“We are still waiting for official reports regarding the number of recorded infections in schools,” dagdag ng ahensiya.
Binanggit naman ni Vergeire na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Education (DepEd) kaugnay ng mga bilang ng mga estudyante na infected ng COVID-19.
Sinabi pa ng opisyal na nagpahayag na ang DepEd ng kanilang commitment na kukumpletuhin nila ang mga reports mula sa lahat ng eskuwelahan at agad din nilang isa-submit ito sa DOH.
“Hanggang sa ngayon, we are coordinating with DepEd regarding the number of students who have been infected with COVID-19. Although we have our own report kung saan sa report natin, hindi nanggagaling sa eskwelahan, iniisa-isa namin ‘yan na kinukuha from our complete list of surveillance report,” wika ni Vergeire.
Nasa tinatayang 94% ng mga public schools sa National Capital Region (NCR) ay nagpatuloy na ng pagsasagawa ng 5-araw na in-person classes nitong Miyerkules, kung saan nakansela ito ng mahigit sa dalawang taon simula ng COVID-19 pandemic.





Comments