27-anyos na utak ng scam at money laundering, kulong

ni Justine Berganio @Overseas News | September 24, 2026

Photo: Tinatawag na “Da Xiang” ang suspek at pinaniniwalaang nagre-recruit at nagkokontrol ng mga Malaysian runner na kumokolekta ng pera. - Singapore Police Force
Timbog ang isang 27-anyos na Malaysian na umano’y utak sa government official impersonation scams at money laundering operations sa Singapore matapos arestuhin sa Malaysia at i-turn over sa Singapore Police Force (SPF) nitong Martes.
Ayon sa SPF, tinatawag na “Da Xiang” ang suspek at pinaniniwalaang nagre-recruit at nagkokontrol ng mga Malaysian runner na kumokolekta ng pera at mahahalagang gamit mula sa mga biktima.
Sa imbestigasyon, nakipagkita umano siya sa hindi bababa sa apat na runner sa Malaysia, nagbigay ng mga gawain, nag-coordinate ng ATM withdrawals at nagbayad sa kanilang serbisyo. Ang mga gintong nakukuha ng mga runner sa scam victims ay dinadala umano sa Johor Bahru at direktang ibinibigay sa kanya.
Tinatayang nasa S$500,000 o US$392,000 (P24M) ang na-scam ng suspek.
Haharap siya sa korte at kakasuhan ng criminal conspiracy kaugnay ng pagtulong sa pagpapanatili ng benepisyo mula sa criminal conduct. Kapag napatunayang guilty, maaari siyang makulong ng hanggang 10 taon at pagmultahin ng hanggang S$500,000 (P24M).
Ayon sa SPF, dumarami ang Malaysian runners na pumupunta sa Singapore para tumulong sa scam syndicates sa pagkolekta ng cash at valuables mula sa mga biktima.
Binigyang-diin ni Senior Assistant Commissioner Justin Wong na walang hangganan ang scam syndicates kaya mahalaga ang koordinasyon ng Singapore at Malaysia sa pagtugis sa mga sangkot, saanman sila nagtatago.





Comments