2022, tuloy ang pagtitiwala sa nais mangyari ng diyos
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 06, 2022
Noong Bagong Taon ng 2020, ito ang isinulat natin sa sariwang semento na kagagawa lang sa aming bakuran, “Salamat 2020 sa mga hamon at biyaya!”
Kasunod nito, may dumalaw sa aming isang pamilya na may dalang sanggol. Nakiusap ako sa mga magulang nito kung maaari bang ilagay ang bakas ng paa ng bata sa semento, sa tabi ng kasusulat lamang na mga kataga. Pumayag naman ang mga magulang ng bata, kaya’t nakatutuwang tingnan ang mga munting bakas ng sanggol sa tabi ng mga salita, lalo na ang 2020.
Sa totoo lang, napakasakit ng 2020. Marami tayong kakilala, partikular ang malalapit sa ating puso ang namatay dulot ng COVID-19. Isa na sa mga ito ay si Dra. Sally Gatchalian.
Sa pagtatapos ng 2020, dama natin ang lungkot ng pagkawala ng ilang mahal na kaibigan at parukyano, ngunit nakuha pa nating ngumiti at magpasalamat.
Dumaan ang madugo at mala-COVID 19 na 2020. Pumasok ang 2021 na bawal pa rin ang pagtitipon at pagdiriwang dahil sa mataas na bilang ng kaso ng pandemya. Hindi pa rin natin binago ang pakikitungo at pakikipagsapalaran sa mga parukyano at taong apektado ng paglaganap ng pandemya.
Samantala, hinarap pa rin ang tatlong “T” ng 2020: takot; topak at tsismis. Kasabay ng paghahanap ng pondo at mga sangkap sa pagpapatuloy na pagluluto at pagpapakain na sinimulan sa ‘Kusina Ni Dok Sally’, kinailangan na ring harapin ang ibang problema, tulad ng epekto ng takot at pagkakalat ng maling impormasyon.
Bagama’t tila parami nang parami ang trabaho, patuloy lang basta hindi nagkakasakit o walang masamang nangyayari. Ngunit iba ang naging takbo ng mga pangyayari, na-COVID-19 tayo, naospital at pagkaraan ng anim na araw ay gumaling.
Gayundin, na-COVID-19 ang aking ina, inalagaan ko siya ng 23-days hanggang sa bawian ito ng buhay. Hindi natin maitatago ang mabigat at malalim na epekto ng pagkawala ng aking ina.
Ngunit noong naospital tayo at gumaling, pagkatapos sagutin ang tatlong tanong: bakit ako na COVID; mamamatay ba ako at kung mabuhay ako, ano ang nais ipagawa ng Diyos?
Na-COVID ako dahil sa walang tigil na paglilingkod. Totoong nakapanghihina’t nakapanlulumo ang mamatayan ng mahal sa buhay. Ngunit maaari tayong mamili: mawalan ng pag-asa at tiwala sa Diyos o pumasok sa hapdi ng kawalan at tuklasin ang Diyos na hinihintay din tayo sa loob at gitna ng sakit ng kawalan? Nilabanan ko ang panghihina ng loob, lungkot at depresyon.
Unti-unti, sa pagdaan ng mga araw, tila binubuksan ng Diyos, hindi lang ang pisikal na mga mata, kundi ang mata ng puso upang makita ang mas malalim na nangyayari.
Dahil sa pandemya, nakita natin kung gaano kaikli ng buhay, at sa pagdating ni “Odette”, higit pa itong ipinakita ng Panginoon.





Comments