Pagbibigay-suporta sa anak, maaaring magbago depende sa pangangailangan ng bata
- Persida Acosta
- Jun 5, 2020
- 3 min read
Dear Chief Acosta,
Naghiwalay kami ng asawa ko noong 2013. Dalawang taong gulang pa lamang ang anak namin noon. Napagkasunduan namin na kapwa kami magsusustento sa aming anak na nanatili sa poder ko, partikular na sa kanyang pangangailangan sa pagkain at edukasyon. Kamakailan lamang ay na-diagnose ang aming anak na siya ay mayroong special needs at inirekomenda ng kanyang doktor na siya ay sumailalim sa lingguhang therapy. Dahil dito ay madaragdagan ang magiging gastusin naming mag-ina. Nais kong malaman kung maaari ba akong humingi ng karagdagang suporta mula sa aking asawa? Nangangamba ako na hindi siya sumang-ayon at ipilit niya ang una na naming napagkasunduan. Sana ay mapayuhan ninyo ako. – Janika
Dear Janika,
Malinaw na nakasaad sa ating batas na ang pagsusuporta ay hindi lamang nalilimita sa pangangailangan sa pagkain at edukasyon. Bagkus, kabilang sa mga dapat ibigay na suporta ay ang makatutugon sa pangangailangan sa tirahan, pananamit at medical attention. Ayon sa Article 194 ng Family Code of the Philippines: “Support comprises everything indispensable for sustenance, dwelling, clothing, medical attendance, education and transportation, in keeping with the financial capacity of the family.”
Bagama’t ang obligasyon sa pagbibigay ng suporta ang maaaring pagkasunduan, hindi nangangahulugan na tali na ang parehong partido sa kung ano ang napapaloob sa kanilang kasunduan. Mahalagang malamang ang suporta na ibinibigay o natatanggap ay maaaring magbago. Ang halaga nito ay maaaring lumiit o lumaki, depende sa pangangailangan ng binibigyan ng suporta at sa kapasidad ng nagbibigay nito. Batay sa Article 201 ng ating Family Code: “The amount of support, in the cases referred to in Articles 195 and 196, shall be in proportion to the resources or means of the giver and to the necessities of the recipient.”
Kaugnay nito, maaari mong kausapin ang iyong asawa tungkol sa naging diagnosis sa inyong anak at sa rekomendasyon na siya ay sumailalim sa lingguhang therapy upang masubukan ninyong mag-asawa na maamyendahan ang inyong unang kasunduan tungkol sa halaga ng sustento na kaniyang ibibigay para sa inyong anak.
Sakaling tumanggi siya na magbigay ng karagdagang sustento ay maaari kang maghain ng aksiyon sa hukuman. Subalit, mahalagang mapatunayan mo na mayroong pinansiyal na kakayahan ang iyong asawa para sa hinihingi mong karagdagang suporta. Tulad ng nabanggit sa batas, ang halaga ng suporta ay kapwa dedepende sa pangangailangan ng binibigyan ng suporta at sa kapasidad ng nagbibigay nito. Ipinahayag ng ating Korte Suprema sa kasong Lam vs. Chua (G.R. No. 131286, March 18, 2004, Ponente: Honorable former Associate Justice Ma. Alicia Austria-Martinez):
“x x x. The provision for a common fund for the benefit of their child John Paul, as embodied in the compromise agreement between herein parties which had been approved by the Makati RTC, cannot be considered final and res judicata since any judgment for support is always subject to modification, depending upon the needs of the child and the capabilities of the parents to give support.
x x x
x x x
It is incumbent upon the trial court to base its award of support on the evidence presented before it. The evidence must prove the capacity or resources of both parents who are jointly obliged to support their children as provided for under Article 195 of the Family Code; and the monthly expenses incurred for the sustenance, dwelling, clothing, medical attendance, education and transportation of the child.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.





Comments