Express lane para sa mga Persons with Disability (PWDs)
- Persida Acosta
- May 12, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta,
Pumila ako sa express lane ng grocery store dahil ako ay PWD. Subalit, nagulat ko nang paalisin ako ng senior citizen sa pilang ito sapagkat hindi pa raw ako senior citizen. Pinatawag namin ang manager ng nasabing establisimyento na nagsabing para lamang sa mga senior citizens ang kanilang express lane. Tama ba sila? – Emelle
Dear Emelle,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 6.10 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (R.A.) No. 9442 o mas kilala sa tawag na Magna Carta for Disabled Persons, and for other Purposes kung saan nakasaad na:
“6.10 Express Lane Privileges – Express lanes for persons with disability shall be provided in all private, commercial and government establishments; in the absence thereof, priority shall be given to them in all the transactions of the establishments. x x x. ;” (Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit, malinaw na dapat na mayroong express lane para sa mga persons with disability (PWDs) ang lahat ng mga establisimyento, mapapribado man ito o pagmamay-ari ng gobyerno o dapat na unahin at bigyan ng prayoridad ang mga PWDs kung hindi makapagbibigay ng express lane ang mga nasabing establisimyento.
Ibig sabihin, bilang PWD, mayroon kayong karapatan para sa express lane ng nasabing establisimyento, kahit na kayo ay hindi pa senior citizen.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments