Nahatulan ng 3 taon pataas, pang-NBP na, bawal na sa City Jail
- Persida Acosta
- Mar 12, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Napan ng anim na taong pagkakabilanggo ang kapatid ko dahil sa kasong estafa. Siya ay kasalukuyang nakapiit sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City. Napakalayo nito sa aming bahay sapagkat kami ay nakatira sa San Fernando, Pampanga. Dahil sa layo at sa kamahalan na rin ng pamasahe ay hindi namin siya madalaw. Nais kong malaman kung maaari ba siyang mailipat na lamang sa city jail sa San Fernando, Pampanga? - Alfred
Dear Alfred, Para sa inyong kaalaman, sapagkat napan na ng mahigit sa tatlong (3) taon na pagkakakulong ang inyong kapatid, siya ay maituturing nang national prisoner.
Ayon sa Circular Number 26-2000 na inilabas ng Korte Suprema noong ika-23 ng Marso, 2000, ang national prisoner ay dapat agarang ilipat sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City. Isinasaad ng nabanggit na circular:
“For this purpose, prisoners at or confined in provincial, city and municipal jails and sentenced by lower courts to prison terms exceeding three (3) years, whether or not they have appealed, are considered national prisoners.
In view thereof, and in order to decongest provincial, city and municipal jails, all trial judges concerned are hereby directed to issue the corresponding mittimuses or commitment orders of national prisoners immediately after their conviction so that they may be remitted or transferred to the New Bilibid Prison of the Bureau of Corrections in Muntinlupa City.” (Binigyang-diin)
Samakatwid, hindi na maaari pang mailipat sa city jail ang inyong kapatid dahil siya ay national prisoner at maaari lamang siyang makulong sa New Bilibid Prison sa Lungsod ng Muntinlupa base sa nabanggit na circular.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments