top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

DOT, tiniyak na hindi babagsak ang turismo kahit nawala ang mga turistang Chinese

  • Bobi Tiglao
  • Mar 11, 2020
  • 2 min read

Kahit may banta ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa bansa, matatag pa rin ang ekonomiya ng Pilipinas at kakayanin nito ang mga bagong pagsubok.

Mataas ang tinatayang pag-unlad ng ekonomiya ngayong taon, salamat sa sektor ng imprastruktura, kalakal, pinansiyal at serbisyo. Bumaba na rin ang presyo ng gasolina at matibay ang ating piso (foreign exchange rate).

Ang forecast ng gobyerno ay 5.5 hanggang 6.5 porsiyento ang makikitang pag-unlad sa gross domestic product (GDP) ng bansa kahit humina ang sektor ng turismo dahil sa epekto ng COVID-19.

Gayunman, tiniyak ng Department of Tourism (DOT) na makakayanan naman daw ng domestic tourism na punuin ang pagkawala ng mga Chinese tourist na may pinakamalaking bilang ng turista sa bansa.

Mas maraming lokal na turista ngayon ang hinihikayat na tangkilikin ang ating sariling bayan sa halip na pumunta abroad para mamasyal.

Halos 22 porsiyento ng bilang ng mga foreign tourist na pumupunta sa Pilipinas ay nanggaling ng China kabilang ang Macau.

Marami rin tayong turista na galing sa South Korea na isa rin sa mga bansa na matinding tinamaan ng COVID-19.

Mabuti na lang at mabilis na nagresponde ang gobyerno sa banta ng nasabing sakit. Nagbaba agad ng travel ban sa China, South Korea at iba pang mga lugar kung saan matindi ang pagkalat nito.

Nagdeklara na rin ang gobyerno ng “state of public health emergency” para mabilis nitong maagapan ang krisis.

Sa ngayon, habang isinusulat ang pitak na ito, nasa 33 na ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Nahahawig diumano ang COVID-19 sa Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) na kumalat noong 2002 hanggang 2004.

Tulad ng SARS, ang tama nito ay sa baga at lalamunan at ang pasyente ay magkakaroon ng sintomas ng lagnat, ubo, sipon at iba pa.

Ayon sa mga eksperto, kumakalat ang sakit sa pamamagitan ng “droplet” na mailalabas ng taong may impeksiyon.

Kaya ang abiso ng Department of Health (DOH), ugaliin ang paghuhugas ng mga kamay at ang pag-iwas sa mga lugar na maraming tao lalo na kung edad 65 o pataas at may ibang sakit tulad ng diabetes at sakit sa puso.

Kaugnay nito, alam ba ninyo na ang buong Italy ay naka-lockdown na? Ibig sabihin, hindi maaaring lumabas ng mga bahay, bawal magbiyahe o mag-iikot sa bayan. At ang sinumang lalabag sa bagong kautusan ng lockdown ay mumultahan.

Istrikto sa Italy matapos ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga taong may impeksiyon kung saan maging si Pope Francis ay may sakit pero nilinaw naman na hindi ito COVID-19.

Samantala, sa Pilipinas, ang mga bagong kaso ng COVID-19 ay nakita sa mga lungsod sa Metro Manila. Kaya may mga nag-uudyok d’yan na i-lockdown na ang mga lugar na ito.

Gayunman, masyado pang maaga para magdesisyon ng ganito. Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, aabot sa ganitong punto kapag dumami ng libu-libo ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page