Blue Eagles, finalist na Kouame at Belangel, bida
- VA / A. Servinio
- Oct 31, 2019
- 2 min read

Winalis ng Ateneo de Manila University ang elimination round ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 82 matapos nilang durugin ang University of the Philippines, 86-64, sa huling araw ng aksyon sa SM Mall of Asia Arena Miyerkules. Dahil dito, pasok na ang Blue Eagles sa finals at maghihintay nalang ng kanilang karibal galing sa stepladder playoffs.
Nagpasiklab agad ang reserbang si SJ Belangel at gumawa ng 11 puntos at kasama 10 puntos ni Ange Kouame ay lumamang ng tuluyan ang Ateneo pagkatapos ng first half, 45-32.
Hindi tumigil ang arangkada ng Ateneo at lalong lumayo ng 24 puntos, 70-46, salamat sa tres ni Matthew Nieto sa unang minuto ng 4th quarter.
Gumawa ng dagdag 10 puntos si Kouame para magtapos na may 20 puntos at 12 rebounds. Sumunod si Belangel na may 14 puntos at bumalik si William Navarro galing sa pagliban ng isang laro dahil sa concussion sa ulo para gumawa ng 13 puntos. Unang maghaharap ang #4 UST (8-6) at #3 FEU (8-6) sa Nob. 6. Ang magwawagi ay lalaruin ang twice to beat UP (9-5) para sa karapatang makalaro ang Blue Eagles (14-0). Sa mga naunang laro, winakasan ng UE at DLSU na positibo ang kanilang mga kampanya matapos ligpitin ang magkahiwalay na kalaro. Nakalusot ang UE sa NU, 79-77, habang wagi ng malaki ang DLSU sa Adamson, 89-63.
Binuksan ni Jamie Malonzo ang laro sa pamamagitan ng isang malakas na dunk at umarangkada agad ang Green Archers, 13-0. Lumobo hanggang 30 ang lamang ng DLSU, 66-36, bago magwakas ang 3rd quarter.
Sa kanyang huling laro sa liga, nagpasabog ng pitong tres si Malonzo para sa 34 puntos at 12 rebounds. Sinuportahan siya ni Justine Baltazar na may 14 puntos at 13 rebounds habang may 14 puntos at anim na assists ang isa pang graduating na manlalarong si Joshua Andrei Caracut para mapantayan ng Green Archers ang kartada sa 7-7.
Nagising ang UE sa second half upang maitala ang ika-apat na panalo. Nanguna para sa Red Warriors si Rey Anthony Suerte na may 28 puntos at anim na rebounds habang nagdagdag ng 17 puntos at 12 puntos si Adama “Alex” Diakhite.





Comments