200 Vietnamese, na rescue sa scam hub sa Olongapo

ni Gina Plenago @News | October 24, 2026

Photo: SS / NBI
Sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang scam hub sa Subic, Olongapo City, nitong Huwebes, Oktubre 22.
Nasa 200 Vietnamese nationals na pawang empleyado ang nailigtas nang maaktuhan sa pasilidad kung saan nakumpiska ang mga computer, mobile phone at mga dokumentong ginamit sa pagpapatakbo ng organisadong scam.
Ikinasa ang operasyon ng NBI-Pampanga District Office sa bisa ng Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data na inisyu ng RTC Branch 73, Olongapo City.
Isang buwan ang isinagawang surveillance at intelligence work sa pasilidad.
"We are working overtime in our fight against scam hubs and transnational online fraud. We will not stop at seizing computers and scripts. We will look into bank accounts, e-wallets, and the people who rent them out," ani NBI Director Atty. Melvin A. Matibag.
Ang scam ay tumatakbo nang 24 oras na may pagpapalitan ng mga tauhan, may nakatalagang payment desk na nagpoproseso ng deposits at withdrawals, at naglilipat ng pondo sa pamamagitan ng network ng mga bangko at e-wallet accounts.
Makikita sa kanilang staff schedules na may mga team na nakatalaga sa mga target sa Pilipinas, United Arab Emirates, at Bangladesh.
Sinusuri pa ang mga dokumento ng mga Vietnamese upang matukoy kung sila ay biktima ng human trafficking.
Nakikipag-ugnayan ang NBI sa Bureau of Immigration, Inter-Agency Council Against Trafficking, at sa Embahada ng Socialist Republic of Vietnam kaugnay ng kanilang kapakanan, dokumentasyon, at repatriation.





Comments