- BULGAR
20 yrs. old na nagpakasal nang walang parent consent
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 25, 2022
Dear Chief Acosta,
Ang 20 years old ko na pinsan ay palihim na nagpakasal sa kanyang nobyo dahil tutol ang kanyang mga magulang. Nalaman ito ng kanyang mga magulang, kaya nais nilang ipawalambisa ang kanilang kasal. May batas ba na maaaring gawing batayan para maipawalambisa ng mga magulang ng aking pinsan ang kanilang kasal? - Bianca
Dear Bianca,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Article 45 ng Family Code of the Philippines na nagsasaad na:
“ARTICLE 45. A marriage may be annulled for any of the following causes, existing at the time of the marriage:
That the party in whose behalf it is sought to have the marriage annulled was eighteen years of age or over but below twenty-one, and the marriage was solemnized without the consent of the parents, guardian, or person having substitute parental authority over the party, in that order, unless after attaining the age of twenty-one, such party freely cohabited with the other and both lived together as husband and wife.”
Dagdag pa rito, nakasaad sa Article 47 ng Family Code of the Philippines na:
“ARTICLE 47. The action for annulment of marriage must be filed by the following persons and within the periods indicated herein:
For causes mention in number 1 of Article 45 xxx by the parent or guardian or person having legal charge of the minor, at any time before such party has reached the age of twenty-one.”
Malinaw na nakasaad sa batas na ang mga magulang ay may kapangyarihang maipawalambisa ang kasal ng kanilang anak na may edad 18 o higit pa, ngunit wala pang 21 taong gulang, kapag ito ay ginawa nang wala silang pahintulot o parental consent. Maaari silang maghain ng aksyon anumang oras bago mag-21 taong gulang ang kanilang anak na nagpakasal.
Kaugnay nito, maaaring ipawalambisa ng magulang ng iyong pinsan ang kanyang kasal dahil siya ay 20 taong gulang pa lamang at hindi niya hiningi ang kanilang pahintulot bago magpakasal. Maaari silang maghain ng aksyon sa korte para sa pagpapawalambisa ng kasal (action for annulment of marriage) bago mag-21 taong gulang ang iyong pinsan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.