20 pesos na bigas, abot-kamay na ng mga guro
- BULGAR

- Aug 4
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 4, 2025

Sa panahong mas mataas pa ang presyo ng bigas kaysa sa pasensya ng mga guro, tila unti-unti na ring naririnig ang kanilang mga hinaing.
Ang planong pagbebenta ng P20 kada kilong bigas sa mga public school teacher ay hindi lamang ginhawa sa bulsa kundi pagkilala sa matagal nang naisasantabing pangangailangan ng mga guro. Hindi lang sila tagapagturo ng kabataan — sila’y maituturing na mga bayani sa araw-araw na buhay ng mga estudyante, na dapat ding alalayan sa kanilang pangunahing gastusin.
Kaya kinumpirma ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na pinag-uusapan na ng Department of Agriculture at National Food Authority ang pagsasama ng mga pampublikong guro bilang bagong benepisyaryo ng “Benteng Bigas Meron (BBM) Na” program.
Una nang nakinabang sa proyektong ito ang mga senior citizen, PWD, solo parent, at 4Ps beneficiaries. Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 120,000 minimum wage earners na ang umaani ng benepisyo mula sa programang inilunsad noong Hunyo. Target na rin ng DA na ipatupad ang pagbebenta ng bigas sa halagang P20 sa piling lugar sa Region 2 at Region 3 ngayong Agosto, partikular na sa mga guro sa pampublikong paaralan.
Kasabay nito, ang pagbuo ng mekanismong pipigil sa dobleng benepisyaryo upang masigurong makararating ito sa tunay na nangangailangan.
Hindi na dapat ipagkibit-balikat ang usaping ito. Ang mga guro, na siyang gumagabay sa kabataan, ay karapat-dapat na makatanggap ng tulong mula sa pamahalaan. Sa araw-araw na hamon ng pagtuturo sa gitna ng kakulangan sa pasilidad, mababang pasahod, at sangkaterbang papel na kailangang ipasa, ang mapasama sila na mabentahan ng murang bigas ay malaking ginhawa.
Totoong makatutulong ang benteng bigas sa gastusin ng mga guro, pero nararapat pa rin na pag-isipan ng gobyerno ang mas malawakang reporma sa kanilang suweldo at mga benepisyo. Hindi dapat panandaliang pa-konsuwelo ang mga programang katulad nito. At kung nais ng administrasyon ni Pangulong Marcos na tunay na maisakatuparan ang pangakong “BBM rice,” dapat hindi lamang ito limitado sa piling sektor, kundi maging tulay tungo sa mas patas at mas suportang pangkabuhayan.
Marahil, ang balitang ito ay tulay ng pag-asa para sa mas magandang kalagayan ng maraming guro. Gayunman, hindi natin dapat kalimutan na ang abot-kayang bigas ay paunang hakbang lamang. Ang tunay na reporma ay nagsisimula sa pagkilala sa dignidad ng bawat guro — sa sahod, benepisyo, at suporta mula sa gobyerno. Kung magtatagumpay ang proyektong ito, sana’y hindi ito maging saglit na ginhawa kundi simula ng seryosong pagtutok sa kapakanan ng mga bayani sa silid-aralan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments