2 yrs. tinikis, kahit nagsori na… MOMMY DIVINE, 'DI PA RIN KAYANG PATAWARIN SI SARAH
ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga | November 1, 2022

Sintigas ng bakal at pusong-bato!
Ito ang impresyon ng marami kay Mommy Divine Geronimo dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin niya mapatawad ang kanyang anak na si Sarah Geronimo.
Matindi pa rin ang galit at sama ng loob niya sa ginawang lihim na pagpapakasal ni Sarah sa BF niyang si Matteo Guidicelli.
Tutol na tutol si Mommy Divine kay Matteo para sa kanyang anak. Mula't sapul ay hinaharang- binabakuran na ni Mommy Divine ang sinumang nanliligaw kay Sarah.
Takot siyang iwanan ng anak kapag ito ay na-in love at nag-asawa na.
Pero, hindi nga nagawang pigilan ni Mommy Divine ang pag-ibig. Nasa tamang edad na si Sarah at may karapatan siyang magdesisyon tungkol sa kanyang love life.
Mahabang panahon na rin naman ang kanyang ipinagsilbi para sa kanyang pamilya. Si Sarah ang tumayong breadwinner at nabigyan niya ng magandang future ang kanyang mga magulang at kapatid.
Naging mabait, mapagmahal at masunuring anak si Sarah Geronimo. Deserve naman niya ang maging maligaya sa piling ng lalaking kanyang minamahal. Hindi habampanahon ay hawak ni Mommy Divine ang buhay ni Sarah.
Nagawa niyang tikisin si Sarah nang mahigit dalawang taon. Nakakatulog kaya nang matiwasay sa gabi si Mommy Divine na baon ang galit sa kanyang anak?
Nagpakumbaba na at humingi ng kapatawaran ang Pop Princess sa kanyang ginawa. Hindi pa ba sapat 'yun upang lumambot ang puso ni Mommy Divine?
Noon, ang akala namin, hindi makakayang tiisin ng isang ina ang kanyang anak kahit na nagkasala pa ito. Pero, wala sa bokabularyo ni Mommy Divine ang salitang pagpapatawad. Tuloy, marami ang naaawa at nakikisimpatya kay Sarah Geronimo.
Balewala pala kay Mommy Divine ang lahat ng sakripisyo ng kanyang anak.





Comments