2 future champs, pinagpipilian sa 3-YO
- BULGAR
- Feb 23, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | February 23, 2023
Nominado ang dalawang future champions na sina Chrome Bell at Petron sa 2023 PHILRACOM "3-Year-Old Maiden Stakes Race na ilalarga sa Marso 12 sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas.
Inaasahang magandang laban ang masisilayan ng mga karerista dahil may 14 na kabayo kasama na sina Chrome Bell at Petron ang posibleng magtagisan ng billis sa distansiyang 1,400 meter race.
Gagabayan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA), Jockey-of-the-Year awardee Jonathan Basco Hernandez si Chrome Bell habang si class A rider Jeffrill Tagulao Zarate ang rerenda kay Petron.
May nakalaan na garantisadong P1.2-M premyo na ikakalat sa unang kabayong tatawid sa meta sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Ang ibang naghayag ng pagsali ay sina Barrowed Heaven, Destin Guest, Easy Way, I Under Oath, Kanyon For Freedom, Pay D Lady, Runway Ten, Save My Savings, The Alpha Male, Uncle Vhines, Whamos at WolfGang.
Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P720,000, mapupunta sa second placer ang P240,000 habang tig-P120,000, P60,000, P36,000 at P24,000 ang sa third hanggang sixth ayon sa pagkakahilera. Hahamigin naman ng breeder ng winning horse ang P60,000 habang may ibubulsa na tig- P36,000 at P24,000 ang second at third placers.
Ayon sa komento ng mga karerista, kahit sino malaki ang tsansang manalo dahil ang iba ay nakatago pa ang pruweba.
Samantala, walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kahapon ng Miyerkules.





Comments