2 fixers sa LTO, huli

by Jeff Tumbado @News | October 19, 2026

Photo: LTO Strategic Communications
Arestado ang dalawang hinihinalang fixer matapos umanong manggulo sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa East Avenue, Quezon City, noong Biyernes, Oktubre 16.
Ayon sa LTO, pinigil ang transaksiyon ng dalawa para sa pagpapalit ng special license plates matapos matuklasang nagamit na ang mga orihinal na plakang dapat nilang isauli. Wala rin umano silang pahintulot mula sa mga rehistradong may-ari ng sasakyan.
Nagalit umano ang dalawa, nagtaas ng boses at nagsalita nang hindi angkop laban sa mga kawani ng LTO, dahilan upang arestuhin sila ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG).
Dinala ang mga suspek sa Camp Crame at nahaharap sa reklamong alarm and scandal at posibleng paglabag sa Republic Act 11032 o Ease of Doing Business Act.





Comments