2 bagong number coding scheme, plano ng MMDA
- BULGAR

- Mar 31, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | March 31, 2022

Dalawang options ang iminungkahi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa implementasyon ng pinalawak na number coding scheme sa National Capital Region (NCR).
Iprinisinta ni MMDA chairperson Romando Artes ang mga panukala kay Pangulo Rodrigo Duterte sa ginanap na Talk to the People na ipinalabas nitong Miyerkules, kaugnay ng pagtataas ng volume ng mga sasakyan sa mga lugar na isinailalim sa Alert Level 1.
Sa ilalim ng unang option, ang mga sasakyan na may plate numbers na nagtatapos sa odd numbers na 1, 3, 5, 7, at 9 ay hindi papayagan sa mga lansangan tuwing Lunes at Huwebes mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.
Habang ang mga may plate numbers na nagtatapos sa even numbers na 2, 4, 6, 8, at 0 ay bawal naman tuwing Martes at Biyernes sa pareho ring oras.
Lahat naman ng mga sasakyan ay papayagan sa mga lansangan tuwing Miyerkules.
Samantala, sa ilalim ng ikalawang option, ang mga sasakyan na may plate numbers na nagtatapos sa 1, 2, 3, at 4 ay bawal sa mga lansangan tuwing Lunes; 5, 6, 7, at 8 tuwing Martes; 9, 0, 1, at 2 kapag Miyerkules; 3, 4, 5, 6 tuwing Huwebes; at 7, 8, 9, at 0 kapag Biyernes.
Noong Pebrero, sinabi ng MMDA na pinag-aaralan na nila ang posibleng expansion ng afternoon number coding scheme, kung saan itinakda na mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.





Comments