2,557 km finisher Running Inay Doneza, inspirasyon ng seniors

by MC @Sports News | October 23, 2026

Photo: "Ang maipapayo ko sa mga seniors, sana'y maging active kahit nagretiro sa trabaho, siguro panahon na ang ating sarili ay ating asikasuhin. Pinakamahalaga po ang exercise kasi dapat ilagay natin sa daily na pangangailangan kasi sa totoo lang, pag nag-eexercise, hindi po basta't basta tamaan ng sakit, magaan ang kilos at hindi pagurin, palagi kayong energetic!" payo ni Running Inay (dulong kaliwa) kasama niya sina ultramarathoner Melanie Malihan, Tony Doneza at coach Nick Gandeza. (Gen Villota)
Makaraang magtagumpay sa 2, 557 kilometer run ni Running Inay Marlene Gomez Doneza at naitala sa kasaysayan bilang kauna-unahang senior citizen na babae na tumapos sa Trans Pilipinas Endurance Run mula sa General Santos City hanggang sa Pagudpud, Ilocos Norte, naging inspirasyon na siya ng iba pang matatanda magmula Mindanao hanggang Luzon.
Nasubok ang kakayahan ng 64-year old ultra marathoner na tubong Batangas City sa pabagu-bagong panahon at iba't ibang terrains sa kanyang kakayahan sa pagtakbo upang masaksihan ng mga senior citizens kung paano mamuhay ng active at healthy lifestyle.
"Sa totoo lang, mahirap bilang senior, may pagkakataon na paltos at masakit ang tuhod pero dahil sa mga taong tumulong at sumusuporta sa amin, lahat ay binabalewala at tuloy lang ang laban," kuwento ni Doneza matapos ang napakahabang advocacy run sa lingguhang Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Usapang Sports Forum kahapon.
Para sa mga core members ng Team Running Inay, nais nilang maging ehemplo sa maraming nagkakaedad.
"Masaya po dahil very successful kahit maraming pinagdaaanan along the way, nandun ang ulan, init, lahat susuungin, masayang masaya kasi 'di namin ine-expect na nagtagumpay na si Inay sa kanyang running journey na matapos ang 2,557 kilometer na run," ayon kay ultramarathoner Melanie Malihan.
"Marami kaming pinagdaanang hirap pero masaya dahil dun sa Mindanao terrains at trails, kung paano namin hinandle 'yung brutally challenging terrains like sa Davao, Bukidnon, Gingoog at Claveria, pati na ang mainit na panahon, dumating kami du'n na mataas ang heat index nila... 'yan 'yung pinaghandaan namin ng ng husto at ang karanasan na dumaranas sa hirap ng ruta, talagang matinding ahon at lusong kahit sobrang init, kung paano ay pinaghandaan, hanggang pagdating ng Visayas Leg at Luzon Leg, medyo gumaan na," wika ni coach Nick Gandeza ng Running Team Calabarzon sa forum.





Comments