17 estudyante, naospital sa sobrang init
- BULGAR

- Sep 19, 2023
- 1 min read
ni Mai Ancheta @News | September 19, 2023

Nasa 17 estudyante sa Sablayan, Occidental Mindoro ang isinugod sa ospital matapos makaranas ng hirap sa paghinga at nawalan ng malay.
Ayon kay Sablayan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Head Acris Canillo, pasado alas-2 ng hapon nitong Lunes nang makatanggap sila ng tawag na maraming estudyante ng Yapang National High School ang nawalan ng malay kaya agad na sumaklolo ang kanilang apat na ambulansya.
Agad na dinala ang mga estudyante sa San Sebastian District Hospital upang malapatan ang mga ito ng agarang lunas.
Ayon sa mga lokal na opisyal ng Sablayan, hinihintay pa nila ang resulta ng pagsusuri sa mga estudyante kung ano ang naging ugat ng pagkahimatay ng mga ito.
Sinabi ni Canillo na may hinala silang posibleng dahil sa matinding init ng panahon kaya nahirapang huminga at hinimatay ang mga estudyante.
Napag-alamang nag-brown out sa eskuwelahan kaya nakadagdag ito sa init ng panahon.
Sinabi naman ni Sablayan Mayor Walter Marquez na may mga insidente na isa hanggang dalawang estudyante na nahihimatay sa nabanggit na eskwelahan subalit sa pagkakataong ito ay umabot sa 17 ang mga nakaranas ng hirap sa paghinga hanggang sa mawalan ng malay.





Comments