ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 17, 2024
Sa ating layunin na mapagaan ang dalahin ng ating mga kababayang Pilipino, lalung-lalo na ang mga mahihirap, hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa gobyerno, bilang chair ng Senate Committee on Health ay isinulong natin ang Malasakit Centers program na na-institutionalize sa ilalim ng Republic Act No. 11463, na tayo ang principal author at nag-sponsor sa Senado noong 2019.
Ang Malasakit Center ay one-stop-shop kung saan pinagsama-sama na sa iisang kuwarto sa loob ng ospital ang apat na ahensya ng gobyerno na may medical assistance programs — ang DOH, DSWD, PhilHealth at PCSO. Hindi na nila kailangang pumila nang mahaba o magpalipat-lipat pa sa iba’t ibang opisina para lang humingi ng tulong. Batay sa datos ng DOH, ang Malasakit Centers program ay nakapagbigay na ng tulong sa humigit-kumulang 10 milyong Pilipino sa buong bansa.
Alinsunod sa probisyon ng batas na makapagpatayo ng mga Malasakit Centers sa kuwalipikadong mga pampublikong ospital ay inilunsad noong April 12 ang ika-162 Malasakit Center na nasa First Misamis Oriental General Hospital sa bayan ng Medina na ating personal na sinaksihan. Pinangunahan din natin ang isang feeding program para sa mga pasyente, at nagkaloob ng tulong sa mga medical frontliners doon.
Ngayong araw, April 17, bubuksan din ang ika-163 na Malasakit Center sa Ospital ng Muntinlupa sa Muntinlupa City. Meron na tayong 91 Malasakit Center sa Luzon, 30 sa Visayas, at 42 sa Mindanao. Lapitan lang ninyo ito kung kailangan ninyo ng tulong pampagamot. Sa totoo lang, pera ng taumbayan ‘yan, dapat lang na maibalik sa kanila sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyo lalo na pagdating sa kalusugan. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.
Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong nag-iikot sa buong bansa para tumulong sa mga nangangailangan at mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga tao. Bisyo ko na ang magserbisyo dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Nasa Bukidnon tayo noong April 13 kasama ang ibang mga senador para makisaya sa kaarawan ni Senate President Migz Zubiri sa bagong stadium sa Malaybalay. Noong umaga, nasa Impasug-ong tayo para magbigay ng dagdag na tulong tulad ng food packs sa mga mahihirap na residente roon. Si Sen. Imee Marcos ay nandoon din upang magpamahagi ng pinansyal na tulong sa mga mahihirap.
Bilang principal author at co-sponsor ng Bureau of Fire Protection Modernization Act, adbokasiya ko ang paigtingin ang proteksyon sa sunog. Kaya bumisita rin ako sa BFP Region 10 upang magbigay ng suporta sa mga trainees at bumbero. Sinaksihan ko rin ang groundbreaking ng bagong Impasug-ong Fire Station at binisita ang Sumilao Fire Station upang tingnan din ang kanilang bagong fire truck.
Nag-inspeksyon naman tayo sa itinayong Super Health Center — isa sa Sumilao at isa sa Malaybalay City. Nagkaloob din tayo ng dagdag suporta sa mga nawalan ng hanapbuhay; 500 sa Sumilao at 500 din sa Malaybalay City. Nabigyan din ang mga ito ng pansamantalang trabaho ng DOLE.
Noong April 15, nakiisa tayo sa ginanap na 20th Kesong Puti Festival sa Santa Cruz, Laguna sa paanyaya ni Mayor Edgar San Luis. Nakasama rin natin sina Senator Mark Villar, Governor Ramil Hernandez at Vice Governor Karen Agapay sa kapistahan. Pinangunahan natin ang pamamahagi ng tulong katuwang ang alkalde para sa 500 residente na nawalan ng hanapbuhay, na nabigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.
Dumalo rin tayo sa ginanap na Malasakit sa Kooperatiba ng Cooperative Development Authority na dinaluhan din ng mga miyembro mula sa 23 kooperatiba na nabigyan ng financial support ng CDA katuwang ng ating adbokasiyang maiangat ang kanilang mga kabuhayan at makatulong sa kanilang komunidad.
Bumiyahe naman tayo pabalik sa Quezon City para dumalo sa Philippine Red Cross 77th Founding Anniversary at sa 75th anniversary ng PRC QC Chapter sa paanyaya ni PRC Quezon City Chapter Governor Ernesto Isla. Sinaksihan natin ang inagurasyon ng kanilang bagong Chapter Building, at ang panunumpa ng 8,000 youth volunteers.
Pagkatapos ay tumulong tayo sa 231 residente na naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog mula sa Brgy. Culiat, E. Rodriguez, Fairview at Commonwealth. Nakatanggap ang mga ito ng tulong mula sa NHA sa ilalim ng programang isinulong natin noon at patuloy na sinusuportahan ngayon para may pambili ang mga benepisyaryo ng pako, yero, semento at iba pang materyales pampaayos ng kanilang tahanan.
Kahapon, April 16, ay nasa Clark, Pampanga naman tayo at pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong para sa mga miyembro ng 22 kooperatiba sa ginanap na Malasakit sa Kooperatiba ng CDA na ating sinusuportahan. Naging panauhin din tayo sa ginanap na Catanduanes 1st Liga Provincial Congress.
Kinumusta ko rin ang Barangay Newly Elected Officials ng Banaybanay, Davao Oriental, sa paanyaya ni Mayor Ian Larcia, kung saan namahagi rin ng kaunting tulong ang aking opisina para sa kanila.
Naghatid naman ng tulong ang aking Malasakit Team sa mga naging biktima ng sunog sa Quezon City tulad ng 192 sa Brgy. Culiat, at 197 sa Brgy. San Roque, katuwang ang opisina ni Senador Robin Padilla. Mayroong 26 biktima ng sunog sa Tacloban City, Leyte ang nabigyan ng tulong mula sa ating opisina.
Dagdag pa riyan, tinulungan din natin ang 178 na nawalan ng hanapbuhay sa Guagua, Pampanga katuwang si Mayor Anton Torres. Nabigyan din ang mga ito ng DOLE ng pansamantalang trabaho. Nagbigay rin tayo ng dagdag na suporta sa 46 TESDA trainees sa Iligan City, katuwang si Councilor Marlene Young.
Para sa ating 148 kababayang nabiktima ng bagyo sa Calayan Island, namahagi tayo ng dagdag tulong para sa kanila bukod sa housing assistance mula sa NHA na ating isinulong.
Tuluy-tuloy rin ang pagmimigay natin ng tulong sa 100 benepisyaryo sa Tagum City katuwang si ABC President Kim Angoy, at 1,282 sa Island Garden City of Samal katuwang sina Councilor Sonny Lanorias at Kagawad Nora Lanorias; at 500 sa Brgy. Tagurano, Davao City katuwang si Brgy. Captain Danilo Camarillo. Nakatanggap din sila ng hiwalay na tulong mula sa national government.
Hindi ako pulitikong nangangako, magtatrabaho lang ako upang magampanan ang aking tungkulin bilang senador at makatulong sa aking kapwa sa abot ng aking makakaya. Patuloy kong sisikapin na mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga Pilipinong pinakanangangailangan nito upang makatulong pa sa ating kapwa Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentários