Search
  • BULGAR

16 na bagong kaso ng COVID-19, GSW at Suns, kansel ang laro

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 16, 2021





Nagsimula ang Houston Rockets ng bagong kabanata sa kanilang kasaysayan sa NBA sa pamamagitan ng 109-105 tagumpay sa San Antonio Spurs kahapon sa AT&T Center. Ito ang unang laro ng koponan matapos ipadala si 2018 Most Valuable Player James Harden sa Brooklyn Nets noong isang araw at wakasan ng kanilang walong taong samahan.


Habang nakaliban din sina John Wall, Eric Gordon at Danual House, kumuha ang Houston ng mga mahahalagang buslo sa huling dalawang minuto galing kay Christian Wood, Sterling Brown at Jae’Sean Tate, 107-105, at hinigpitan ang depensa sa huling segundo para magmintis si DeMar DeRozan na matatabla sana ang iskor. Nanguna si Wood na may 27 puntos at 15 rebound at sumunod si Brown na may 23 puntos para sa kanilang ika-apat na panalo sa 10 laro.


Hindi muna pinabihis ang mga bagong dating na manlalaro na sina Caris LeVert at Radions Kurucs galing Brooklyn Nets at Dante Exum na galing sa Cleveland Cavaliers. Bahagyang binago ang kasunduan at mananatili si Victor Oladipo sa Indiana Pacers imbes na ipadala sa Rockets kapalit ni LeVert habang idinagdag si Taurean Prince kay Jarrett Allen sa mga ipapadala ng Nets sa Cavs.


Ang transaksyon ay magiging opisyal oras na matapos ang pagsusuri sa mga manlalaro ng doktor at bigyan ng basbas ng NBA. Bukas pa rin ang pinto na tumuloy si Oladipo sa Houston at LeVert sa Pacers habang unang magsusuot ng uniporme ng Nets si Harden sa Enero 16 sa pagdalaw sa kanila ng Orlando Magic.


Matapos umapoy para sa 71 puntos sa first half sa likod nina Chris Boucher, OG Anunoby at Kyle Lowry, lumamig pero nagtira para sa katapusan ng laban ang Toronto Raptors sa kanilang 111-108 panalo sa Charlotte Hornets. Namuno sa panalo si Boucher na may 25 puntos at 10 rebounds habang may 17 puntos buhat sa limang tres si Fred VanVleet.


Madaling pinabagsak ng Philadelphia 76ers ang bisitang Miami Heat, 125-108, kung saan umabot hanggang 25 ang kanilang lamang sa third quarter, 91-66. Gumawa ang gwardiyang si Shake Milton ng 10 ng kanyang kabuuang 31 puntos sa second quarter upang lumayo ng tuluyan ang 76ers habang tumulong sina Tobias Harris na may 18 puntos at Ben Simmons na nagtala ng triple double na 10 puntos, 10 rebound at 12 assist bilang 6’10” na point guard.


Samantala, hindi muna lalaruin ang mga laban ng Golden State Warriors at Phoenix Suns at Washington Wizards at Detroit Pistons ngayong araw bilang bahagi ng health at safety protocol. Ayon sa pahayag ng NBA at ng Players Association (NBPA), may 16 na bagong positibong kaso matapos ang pagsusuri sa 497 manlalaro buhat noong Enero 6, 2021.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.