16 Bgy COVID-19 free… sana all!
ni Ryan Sison - @Boses | December 15, 2021
Habang patuloy ang pagbaba ng naitatalang daily COVID-19, tuluy-tuloy din ang magandang balita.
Kaugnay nito, labing-anim na barangay sa Mandaluyong City ang may zero COVID-19 cases ngayon.
Ayon sa alkalde ng lungsod, kabilang sa mga naturang barangay ang Bagong Silang, Barangka Ibaba, Barangka Ilaya, Burol, Daang Bakal, Hagdan Bato Itaas, Hagdan Bato Libis, Harapin ang Bukas, Mabini-J. Rizal, Mauway, Namayan, Pag-asa, Pleasant Hills, Poblacion, San Jose, at Vergara, habang isa lamang ang bagong kaso ng COVID-19 na naitala ng City Health Department noong Linggo.
Gayunman, kumpiyansa ang alkalde na ito ay patunay na epektibong kampanya ng lokal na pamahalaan laban sa virus at sa pakikipagtulungan na rin ng publiko, gayundin, ang pagsisikap ng LGU at pribadong sektor na makapagbakuna ng maraming residente.
Matatandang kani-kanyang diskarte ang mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang pagbabakuna kontra COVID-19, gayundin ang pagpapatupad ng mga health protocols laban sa sakit. At sa totoo lang, malaking bagay ang pagsunod ng mamamayan sa umiiral na minimum health protocols.
Patunay ito na hindi lamang nasyunal at lokal na pamahalaan ang kumilos para mabawasan ang hawahan dahil higit na kailangan ang pakikipagtulungan ng taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments