15% ng suweldo, ibibigay... Prime Minister ng UK, bibigyan ng bahay ang mga homeless
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Justine Berganio @Overseas News | August 21, 2026

Photo: AP Photo / Jon Super
Target ng bagong British Prime Minister na si Andy Burnham na mailipat sa ligtas na tirahan ang mga taong natutulog sa lansangan bago sumapit ang Pasko, kasabay ng pangakong maglalaan siya ng bahagi ng sariling suweldo para sa mga programang laban sa homelessness.
Sa ilalim ng bagong plano ng pamahalaan, maglalaan ng emergency accommodation at pangmatagalang housing support sa mga lugar sa England na pinakamalubha ang problema sa kawalan ng tirahan.
Aabot sa £442 milyon (P37B) ang pondong ilalaan para sa programa, kung saan mas malaking bahagi ang matatanggap ng mga lugar na may mataas na bilang ng homeless at matinding housing pressure.
Bukod sa pondo ng gobyerno, nangako si Burnham na 15% ng kanyang suweldo ay ido-donate sa mga organisasyong tumutulong sa mga taong walang tahanan.
Sinabi ni Burnham na ayaw niyang maging normal na tanawin sa Britain ang mga taong natutulog sa bangketa, labas ng istasyon at iba pang pampublikong lugar. Iginiit din niyang kailangang manguna siya sa pagtulong kung nais niyang hikayatin ang publiko na makiisa.
Batay sa government figures, umabot sa record na 4,793 ang bilang ng rough sleepers sa England noong 2025. Mas malaki naman ang kabuuang bilang ng homeless, na tinatayang 382,000, kabilang ang mga pamilya at batang walang permanenteng tahanan.
Nagbabala naman ang Institute for Public Policy Research na maaaring tumaas pa ng 25% pagsapit ng 2030 ang bilang ng mga homeless kung hindi maaaksyunan ang problema.
Ayon kay Burnham, nais niyang gayahin ang naging hakbang noong COVID-19 pandemic nang nailipat sa temporary accommodation ang maraming rough sleepers. Nanawagan din siya sa mga lokal na lider, faith organizations at iba pang sektor na makiisa sa programa.
Bukod sa pansamantalang tirahan, target ng pamahalaan na makatulong sa pagtatayo ng mahigit 1,000 permanenteng bahay sa loob ng tatlong taon.
Bagama’t tinanggap nang positibo ng ilang charity groups ang plano, kinuwestiyon naman ito ng opposition Conservatives dahil umano sa kakulangan ng malinaw na detalye kung paano ito ipatutupad at popondohan.





Comments