15-anyos, arestado sa bomb threat sa iskul
- BULGAR

- 12 hours ago
- 1 min read
ni Justine Berganio @Overseas News | August 20, 2026

Photo: Xinmin Secondary School sa Singapore - Gmaps
Arestado ang isang 15-anyos na dalagita kaugnay ng pekeng bomb threat na nagdulot ng paglikas sa mga estudyante at personnel ng Xinmin Secondary School sa Singapore noong nakaraang linggo, Agosto 13.
Agad na rumesponde ang Singapore Police matapos iulat ang banta. Isinailalim sa masusing pag-inspeksyon ang buong paaralan, ngunit walang nakitang kahina-hinalang bagay.
Ayon sa pulisya nitong Agosto 18, inaresto ang teenager habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kasong pagbibigay ng maling impormasyon hinggil sa isang bagay na maaaring magdulot ng panganib.
Nauna nang ipinatupad ng paaralan ang evacuation procedures, alas-8:28 ng umaga. Ipinaalam din sa mga magulang ang insidente sa pamamagitan ng Parents Gateway app matapos makumpleto ang paglikas at pagsusuri sa campus.
Sinabi ni Principal Tan Soon Hui na nakikipagtulungan ang paaralan sa mga awtoridad at nananatiling pangunahing prayoridad ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante at staff.
Kapag napatunayang nagkasala, maaaring patawan ang suspek ng hanggang pitong taong pagkakakulong, multang hanggang $50,000, (P3M) o parehong parusa.
Binigyang-diin naman ng pulisya na seryoso nilang tinatrato ang lahat ng security threats at magsasagawa ng kaukulang aksyon laban sa sinumang sadyang nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa bomb threat.





Comments