top of page

13th month pay, ‘wag na sanang patagalin pa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 53 minutes ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | December 3, 2025



Boses by Ryan Sison


Palaging sinasabi na ang tunay na sukatan ng malasakit ng isang kumpanya ay kung paano nito tinatrato ang mga manggagawa at ngayong papalapit ang Pasko, dito mas nasusubok ang kanilang pananagutan. 


Sa pamamagitan ng muling pagpapaalala ng Department of Labor and Employment (DOLE), kailangan ay maibigay na ang 13th month pay bago pa man mag-Pasko o mismong araw nito. Ang 13th month pay ay hindi pabor, hindi bonus, kundi karapatang nakasaad sa batas. 


At sa gitna ng pagtaas ng mga bilihin, paghahabol sa budget, at pag-asang makabawi ngayong Kapaskuhan, napakahalaga ng siguradong pagdating ng benepisyong ito sa bawat manggagawa. 


Mariing ipinahayag ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na lahat ng employer sa pribadong sektor ay obligadong ibigay ang 13th month pay nang hindi lalampas sa Disyembre 24. Walang exemption, walang palugit, walang dahilang iantala. 


Ito ay statutory right ng rank-and-file employees, basta’t nakapagtrabaho sila nang kahit isang buwan ngayong taon. Kabilang dito maging ang piece-rate workers, employees na may komisyon, mga may higit sa isang employer, nag-resign, natanggal, o nag-maternity leave na may salary differential. 


Malinaw ang computation na sa isang-kalabindalawa (1/12) ng kabuuang basic salary ang minimum na dapat matanggap. Hindi kasama rito ang overtime, night differential, COLA, at iba pang allowances, maliban na lang kung nakasaad sa collective agreement o policy na bahagi ito ng basic pay. 


Kasabay ng paalala, inatasan din ng DOLE ang mga kumpanya na magsumite ng compliance report sa DOLE Online Compliance Portal hanggang Enero 15, 2026.


Nakalagay dito ang detalye ng kumpanya, bilang ng empleyado, listahan ng nakatanggap, halagang ipinagkaloob, at contact details para sa beripikasyon. 

May inspeksyon at follow-up din mula sa regional at field offices para matiyak na walang lumulusot sa obligasyon. 


Sa gitna ng pagod, overtime, mataas na pamasahe, at presyo ng mga bilihin na kumakain sa suweldo ng bawat Pinoy, ang 13th month pay ay nagsisilbing sandalan ng maraming pamilya — pambili ng Noche Buena, pambayad ng utang, pang-enrol, o simpleng panghinga mula sa bigat ng taon. Kaya naman kung may isang bagay na dapat tutukan ngayong Disyembre, ito ay ang tapat at maagap na pagbibigay ng benepisyong matagal ding ipinaglaban ng mga manggagawa.


Sa panahon na tila hindi na pantay ang laban para sa ordinaryong empleyado, ang 13th month pay ay paalala na may mga karapatang dapat igiit at may mga obligasyong dapat tuparin.


Ang tunay na malasakit ng employer ay hindi nakikita sa mga slogan kundi sa pagsunod sa batas at pagbibigay ng benepisyong malaking tulong sa pamilyang Pinoy. 


Kung ang empleyado ay nagbibigay ng buong taon niyang lakas, panahon at sakripisyo, ang pinakamaliit na gantimpala na nararapat ay ang katiyakan na darating ang 13th month pay na karapat-dapat naman na matatanggap.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page