13th month pay ng maliliit na negosyo, saklolohan!
ni Ryan Sison - @Boses | October 20, 2020
Hindi puwedeng ipagpaliban ang pagbibigay ng 13 th month pay ngayong taon.
Ito ang binigyang-diin ng Department of Labor and Employment (DOLE) kamakailan, na
ikinatuwa naman ng mga manggagawa at labor groups.
Pero hirit ng maliliit na kumpanya, saan kukuha ng pondo?
Dahil dito, ikinukonsidera ng DOLE ang pagbibigay ng subsidiya sa maliliit na negosyo upang makatulong sa pagbibigay ng 13 th month pay sa mga empleyado.
Ngunit paglilinaw ng DOLE, ito ay proposal pa lamang at hindi pa sigurado dahil depende pa kung saan manggagaling ang pondo at kung may pagkukunan.
Gayunman, kung walang makitang pondo, may opsiyon umanong maglaan ng loan facilities ang mga government banking institution.
Matatandaang, nasa 3.5 milyong manggagawang Pinoy ang nabawasan o tuluyang nawalan ng pinagkakakitaan dahil sa pandemya.
Sakaling maaprubahan, malaking tulong ito sa mga negosyong hirap bumangon dahil sa epekto ng pandemya. ‘Yun nga lang, problema talaga ang mapagkukunan ng pondo.
Ngayong may krisis pang-ekonomiya, kailangang-kailangan ang alalay ng gobyerno, hindi lamang para sa mga manggagawa kundi pati ang mga maliit na negosyo.
Sa kabilang banda, dapat maibigay sa mga manggagawa ang para sa kanila dahil ito ang tangi nilang inaasahan.
Bagama’t hindi madali para sa ating lahat, “biyaya” ito para sa mga makatatanggap.
‘Ika nga, “merry” pa rin ang Christmas kung may matatanggap kahit paano.
May ilang linggo pa para ito’y pag-aralan at gawan ng paraan, kaya panawagan sa mga
kinauukulan, diskartehan para walang delay.
Tiwala lang, masosolusyunan din natin ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments