128 bagong pulis, inabuso, buking sa video... 70 pulis, sibak sa hazing
- BULGAR

- 21 hours ago
- 1 min read
by Mai Ancheta @News | February 10, 2026

Photo: PNP - PRO-BAR
Tinatayang 70 pulis na miyembro ng Regional Mobile Force Battalion-14B sa Lamitan City, Basilan ang sinibak sa puwesto dahil sa umano'y pagmamaltrato sa mga kapwa bagong na-assign na pulis.
Sa press conference nitong Lunes, sinabi ni Philippine National Police Public Information Office Chief Brigadier General Randolf Tuaño na sa nabanggit na bilang, 12 police-non commissioned officers ang natukoy na may direktang partisipasyon sa umano'y hazing sa mahigit 120 bagong naitalagang police personnel.
Ang natitirang 58 ani Tuaño ay sumasailalim sa imbestigasyon dahil sa kanilang posibleng nalalaman sa pang-aabuso, na umano'y nangyari noong February 6, 2026.
Ang mga biktima aniya ay katatapos lamang sumailalim sa basic internal security operations training at agad pinag-report sa Lamitan City Police Office kung saan nangyari ang umano'y hazing bilang pag-welcome umano sa mga ito.
Tatlumpu sa mga complainants ay sumailalim na sa medical check-up at nakitaan ng hematoma, pananakit, suntok sa mukha at sa iba bang bahagi ng katawan.
Aabot na sa 18 ang complainant sa nangyaring pagmamaltrato at inaasahang madaragdagan pa ito ng 110 iba pa.
Nag-viral na rin sa social media ang mga larawan at video ng insidente.
Binigyang-diin ni Tuaño na hindi kinukunsinti ng PNP ang anumang uri ng pang-aabuso at lahat ng pulis na mapatutunayang nagkasala sa hazing ay mahaharap sa kasong kriminal at administratibo.








Comments