top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

12 yrs. pagkakakulong at P2-m multa sa nagpapakalat ng pekeng pera

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 12, 2021
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 12, 2021



Ngayong papalapit na ang Pasko ay kung anu-anong modus at scam na naman ang laganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ngunit ang isa sa mga binabantayan ay ang paglaganap ng pekeng pera dahil tumataas ang kaso nito sa ganitong panahon.


Kaya aktibo ngayon ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at kabi-kabila ang kanilang operasyon at ngayong taon lamang ay umabot na sa P480, 000 halaga ng pekeng pera ang kanilang nasabat sa pangunguna ng kanilang operatiba.


Nabatid na umabot sa pitong magkakahiwalay na operasyon ang isinagawa ng BSP at labing-anim na suspek ang kanilang nasakote at labing apat sa mga ito ang kumpirmadong miyembro ng sindikato ng nagpapakalat ng pekeng pera sa bansa.


Ayon sa Payments and Currency Investigation Group (PCIG) ng BSP na siyang nakasakote sa mga salarin, sinampahan na nila ng kaukulang kaso ang mga suspek na bukod pa sa narekober na counterfeit Philippine currency ay nakasabat din ng 200 piraso ng counterfeit foreign banknotes.


Ngunit kung pagbabasehan ang tala ng BSP ay tila mas talamak ang aktuwal na sitwasyon dahil maraming mga pekeng money changer ang nagpapalit ng pekeng pera sa mga foreigner na dumidirekta sa black market dahil sa mas mataas ngunit delikado ang palitan.


Sa kanilang kabuuang ulat ay aabot lamang sa P7.69 milyon ang halaga ng 12,000 piraso ng pekeng perang kanilang nakumpiska sa higit 100 operasyon sa loob na ito ng 10 taon at 176 na rin ang naaresto.


Kabilang na ang nasabat nilang mahigit sa 14,300 piraso ng pekeng dolyar at iba pang foreign currencies na may katumbas na halagang 92.59 milyong dolyar at umabot sa 127 ang kumpirmadong kaanib ng sindikato at 48 lamang ang gumagalaw dahil sa sarili nilang kagustuhan.


Hindi na rin masama ang pagsisikap ng BSP ngunit sa kahabaan lamang ng Recto, Manila ay may impormasyong may ilang grupo na nagbebenta umano ng pekeng P1-K sa halagang P200 hanggang P400 bawat isa.


Kaugnay nito ay nagbigay ng paalala ang BSP sa publiko upang hindi mabiktima ng mga nagpapakalat ng pekeng pera at maging segurista sa pagtukoy ng orihinal na pera gamit ang mga bagong security features ng Philippine currency.


Maging ang BSP ay alerto at kasalukuyan nang biniberipika ang mga umiikot na ulat sa mga messaging apps at social media platforms hinggil sa umano’y pagkalat ng pekeng P1-K at inaasahan nating isa sa mga araw na ito ay masasakote ang mga nasa likod nito.


Nagbigay din babala ang BSP na mga nagsasagawa o nagpapakalat ng pekeng pera ay maaaring mahatulan ng hanggang 12-taon at isang araw na pagkakakulong at multang hindi lalagpas sa P2-M na nakasaad sa ilalim ng Republic Act No. 10951.


Ipinaliwanag ng BSP na mas lalo pang pinaigting ang New Generation Currency (NGC) banknotes upang maisama sa pinakahuling anti-counterfeiting technology at madagdagan pa ang kaibahan ng pakiramdam sa pagsalat at pagtingin sa orihinal at pekeng pera.


Upang makatiyak na hindi peke ang perang hawak, dapat umanong gamitin ang sistemang ‘Feel-Look-Tilt’ upang makumpirma ang inilagay na security features at maramdaman ang genuineness ng NGC banknotes.


Kaya maganda rin ang pagsisikap ng BSP na magsagawa ng regular na public information campaign upang maturuan ang marami nating kababayan hinggil sa bagong idisensiyo, security features at tamang paghawak ng Philippine currency kabilang na ang mga kaakibat na batas, polisiya at programa.


Hinihikayat din ng BSP na agad ipagbigay alam sa kanilang tanggapan o sa pinakamalapit na police station ang anumang impormasyon hinggil sa mga taong may kinalaman sa pagpapakalat ng pekeng pera upang agad na mabigyan ng kaukulang aksiyon.


Kung natatakot na direktang magsumbong ay maaari namang tumawag sa mga tanggapan ng PCIG o makipag-ugnayan gamit ang email address na currencyinvestigation@bsp.gov.ph at hindi nila ibubulgar ang pagkakakilanlan ng magbibigay-impormasyon.


Bukod naman sa pagiging alerto, dapat alam din ng ating mga kababayan kung saan-saan ba ginagamit ang mga pekeng pera dahil araw-araw ay may nabibiktima nito dahil napapalusutan ng mga salarin.


Paboritong target ng mga sindikato ay ang mga nagtitinda ng balot sa kalye na naglalako sa mga iskinita dahil bukod sa nag-iisa ay hindi basta makakalaban sakaling matuklasan niya na peke ang ibinayad sa kaniya.


Sinasamantala rin ng mga masasamang-loob na kumain ng balot sa madidilim na bahagi ng kalye upang hindi gaanong maaninag ang pekeng pera na kanilang ibabayad at sa liwanag na nadidiskubre na peke pala.


Ikalawa sa paborito ay ang mga lasing na pasahero na karaniwang nabibiktima naman ng mga sinakyan nilang taxi o kaya ay ang taxi driver mismo na binayaran sa dilim ng nagmamadaling pasahero at sumisigaw pa ng ‘keep the change’ pero peke pala ang ibinayad sa madilim na lugar.


Ikatlo sa paboritong biktima ay ang mga masahista sa mga SPA na sa gitna ng pagmamasahe sa dilim ay nag-aalok ng extra service, sila ‘yung pinakanakakaawa dahil biktima na ng sitwasyon, tapos nabibiktima pa ng walang kaluluwang customer. Kaya Ingat!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page