top of page
Search
  • BULGAR

119 na tarantula, nasabat sa NAIA

ni Lolet Abania | October 30, 2020




Naharang ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tangkang pagpupuslit ng illegal wildlife na nagmula sa Poland.


Sa isang pahayag ng BOC ngayong Biyernes, nakasabat ang ahensiya ng 119 buhay na tarantulas na itinago sa loob ng rubber shoes na nasa isang DHL warehouse noong October 28. Idineklarang “buty” o sa salitang Polish ay sapatos, ipinadala ang kargamento ng isang “Michal Krolicki” mula sa Poland sa isang consignee na taga-General Trias, Cavite.


Ayon sa mga kawani ng BOC, nakitaan ang shipment ng kahina-hinalang larawan matapos ang inspeksiyon. Agad na nagsagawa ang examiners ng ahensiya ng physical examination sa kargamento. Dito lumabas na ang nasa loob ng mga rubber shoes ay iba’t ibang species ng buhay na tarantulas na nakalagay sa bawat plastic vials.


Samantala, ang mga nakumpiskang tarantulas o uri ng mga gagamba ay ipinadala na ng BOC sa Department of Environment and Natural Resources Wildlife Traffic Monitoring Unit (DENR WTMU) kahapon, October 29.


Itinuturing ang tarantula na isang endangered wildlife species at dahil dito, ang pagsasagawa ng illegal wildlife trading ay may karampatang parusa ng pagkakabilanggo mula anim na buwan at isang araw hanggang sa isang taon, at pagmumultahin ng P10,000 hanggang P200,000, ayon sa Republic Act (RA) No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.


Para naman sa unlawful importation, papatawan ng pagkakakulong na hindi bababa nang 30-araw at isang araw subali’t hindi hihigit sa anim na buwan o pagmumultahin ng hindi bababa sa P25,000 subali’t hindi hihigit sa P75,000.


Dagdag pa rito, pareho ang ipapataw na parusa, sakaling mataas ang halaga ng goods na unlawfully imported, kabilang dito ang duties at taxes subali’t pagmumultahin ng hindi hihigit sa P250,000 sa ilalim ng Section 1401 ng RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.


Patuloy ang layon ng BOC-NAIA na protektahan ang mga airports sa bansa laban sa lahat ng mga tangkang pag-i-import o pag-e-export ng mga endangered wildlife species, bukod pa sa ilegal na droga at iba pang mapanganib na kontrabando na magdadala ng pangamba sa seguridad at kalusugan ng mga kababayan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page