118,526 kaso ng dengue, 399 patay – DOH
ni Lolet Abania | August 26, 2022

Mahigit sa 118,000 katao na ang infected ng dengue virus, kung saan nai-record ang 153% na pagtaas ng bilang ng mga kaso nito kumpara sa parehong period noong 2021, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Biyernes.
Batay sa latest figures na naitala ng DOH, nasa 153 porsyentong mas mataas ito kumpara sa 46,761 infections na nai-record sa parehong petsa noong nakaraang taon.
Sa ngayon, nakapagtala na ng 118,526 dengue cases mula Enero 1 hanggang Agosto 6, 2022 sa bansa.
Karamihan sa mga dengue cases ay nai-report mula sa Central Luzon na may 21,242 o 18%, Central Visayas na 11,363 o 10%, at National Capital Region (NCR) na 10,937 o 9%.
Nito lamang Hulyo 10 hanggang Agosto 6, nasa 29,586 dengue cases ang naitala, kung saan sa tally ng may pinakamataas na bilang ng mga kaso nanguna ang Central Luzon na nasa 6,035 o 20%, Metro Manila na 4,045 o 14%, Western Visayas na 2,964 o 10%.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, sa latest dengue cases, nasa 64 porsyento ang naospital, subalit mas mababa ito kumpara sa mga naospital sa nakalipas na 4 na linggo.
“Sa tingin natin, because of the efforts of our local governments, people are seeking early consultation,” pahayag ni Vergeire sa isang press briefing.
“Isa po ito sa ipinagbibilin sa ating mga kababayan na kapag tayo ay nakapagkonsulta nang mas maaga, maiiwasan natin ang pagkakaospital at pagkakaroon ng komplikasyon ng dengue,” dagdag ng kalihim.
Ayon pa sa DOH, sa kasalukuyan ay nasa 399 na nagka-dengue ang nasawi o 0.3% case fatality rate ang naitala.
Ang mga namatay dahil sa dengue ay naganap sa mga sumusunod na buwan:
•Enero: 35
•Pebrero: 31
•Marso: 37
•Abril: 47
•Mayo: 62
•Hunyo: 74
•Hulyo: 100
•Agosto: 13





Comments